Mainit na pinag-uusapan ngayon sa mundo ng showbiz ang bago umanong lalaki na nagpapatibok sa puso ng aktres na si Angelica Panganiban.

Ito ay matapos ma-spottan ng entertainment website na Fashion Pulis ang komento ni Angelica sa social media post ng umano ay bagong nagpapatibok sa kanyang puso. Kinilala ang ‘rumored boyfriend’ ng aktres bilang si Gregg Homan.
Isang letrato habang nasa Batangas ang i-pinost ni Gregg sa kanyang Instagram kung saan ay nag-komento si Angelica.
Caption niya sa letrato, “Not the normal we want but what we got at the moment. This too shall pass. Must keep pushing ahead.”
“Come home na,” komento naman ni Angelica.

Sweet at may kasama namang ‘endearment’ ang naging tugon ni Gregg sa komento ng aktres. Ani Gregg, “Just a few more days Honn. [kissing face emoji]”
Sa artikulong inilathala ng Star Cinema, na-spottan naman si Angelica na may kasamang aso na umano ay pagmamay-ari ng kanyang ‘rumored boyfriend’.
Sa isang Instagram post ni Angelica nitong November 17, makikita siya na may kasamang mga alagang aso at isa nga rito ang parehong aso na kasama ni Gregg sa kanyang letrato.

Sa ngayon, tikom pa rin ang bibig ni Angelica tungkol sa umano ay bagong lalaki na nagpapatibok sa kanyang puso.
Samantala, kapansin-pansin naman ang panunukso ng mga matalik na kaibigan ni Angelica na sina Bela Padilla at Kim Chiu sa kanya.
Matatandaang noong September 25, pinutakte si Angelica ng panunukso ng kanyang mga kaibigan nang mag-guest ang mga ito sa kanyang online show na “Ask Angelica”.
Kapansin-pansin din ang mabilis na pagpapalit ng topic ni Angelica sa tuwing mapupunta ang kanilang usapan sa love life ng aktres.

Kamakailan din ay sinagot ni Angelica ang ilan sa mga ‘tough question’ ng kanyang mga kaibigan sa showbiz na may kaugnayan sa kanyang buhay pag-ibig.
Base sa mga sagot ni Angelica at mensahe ng kanyang mga kaibigan sa kanya, tila ipinapahiwatig ng mga ito na masaya at may bago na ngang nagpapatibok sa puso ng aktres.
Nang tanungin si Angelica ng kanyang BFF na si John Prats tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng kanyang puso, ang sagot ng aktres ay simple ngunit napaka-makabuluhan. Sinabi niya, “Ang aking puso ay kalmado ngayon.”
Tila nadulas naman si Angelica nang sagutin niya ang tanong ng komedyanteng si Vice Ganda kung sino ang isang lalaki na gusto niyang ma-involve ‘romantically’. Sagot ni Angelica sa tanong ni Vice, “Sa local, wala. Meron na ako, eh!”

Tila ipinapahiwatig din ng kaibigan ni Angelica na si Glaiza de Castro na ‘masaya’ at may bagong ‘nag-aalaga’ na sa aktres.
Mensahe ni Glaiza kay Angelica, “Ngayon, hindi ka na mahihirapan dahil may nagki-care sa’yo. Basta, iyon na ‘yun! Masaya ako para sa’yo, amiga.”