Dinumog ng kanyang Pinoy fans si Korean Pop Star Sandara Park o mas kilala sa tawag na ‘Dara’ nang bumisita siya sa isang Filipino street market sa Jongno-gu, Seoul South Korea.\

Sa kanyang pinakabagong vlog, binisita ni Dara ang kilalang Filipino marketplace sa Seoul kung saan ay nagkaroon siya ng pagkakataon para makausap at makasalamuha ang ilang tagahangang Pinoy.
Sa unang bahagi ng vlog, mapapanood si Dara na excited na excited na pumunta sa street market. Kasama ni Dara ang isang koreanong kaibigan na ipinakilala niya bilang si ‘Producer Shin’.

Noong una, aminado si Dara na maaaring hindi siya makilala ng mga Pinoy na naroroon sa street market dahil may mga pagkakataon umano na hindi siya kilala ng mga Pinoy na lumaki sa ibang bansa at hindi nakapanood ng Philippine TV shows.

Aniya, “Let’s see if people will recognize me. Because occasionally those who lived abroad when they were younger and didn’t have access to Philippine TV programs don’t know me. Rather their kids or moms know me.”

Ikinwenento rin ni Dara ang isang beses kung saan hindi alam ng isang Pilipino kung sino siya.
Kwento ni Dara, “When I visited LA, there was a staff member working with CL (who) was a Filipino and they didn’t know who I was. So I took a picture with them and when they got home and showed their friends, they were like ‘Sandara!'”
Nang marating ang marketplace, kitang-kita sa mukha ni Dara ang kasiyahan at excitement nang makita ang kanyang mga paboritong Pinoy product.

Tuwang-tuwa si Dara habang isa-isang ipinapakilala sa kanyang kaibigan ang ilan sa mga paborito niyang pagkaing Pinoy.
Unang kinuha ni Dara ang isang bote ng Mang Tomas na ipinakilala niya pa sa kanyang kaibigan bilang pambansang sauce ng Pilipinas.

Sunod na kinuha ni Dara ay corned beef. Ikwenento pa niya sa kasama ang paraan ng pagluluto sa naturang canned good.
Magiliw na ikwenento naman ni Dara na paboritong breakfast food umano niya ang Tocino na idinagdag din niya sa kanyang bibilhin.

Samantala, may parte sa vlog kung saan inakala ng isang Pinay seller na ‘kamukha’ lang niya si ‘Sandara’.

Hindi naman itinago ni Sandara ang kanyang katauhan at sinabi rito na siya si Sandara. Agad namang nagpa-picture sa kanya ang mga Pinoy nang malaman na siya si Sandara.

Sa katunayan, dahil sa maya’t mayang pagpapa-picture sa kanya ng mga Pinoy na naroroon ay hindi na masyadong nakakain nang maayos. Gayunpaman ay game pa rin ito na pagbigyan ang kanyang mga Pinoy fan.

Sa huli, nagpasalamat si Dara sa walang-sawang suporta at pagmamahal sa kanya ng mga Pinoy.
Ani Dara, “Maraming salamat sa inyong lahat. Mabuhay! Mahal ko kayo.”