Sarah Geronimo, inamin na ngayon lang niya naranasan na mag-manage ng sariling pera

Maraming pagbabago ang nagaganap sa buhay ng isang babae pagkatapos niyang ikasal. Hindi na lamang kasi siya isang anak na babae kundi ay isa na ring asawa na magiging tagapamahala ng bahay at sa hinaharap ay magiging isang ina na rin.

Credit: Sarah Geronimo Instagram    

Kabilang nga si Kapamilya “Popstar Princess” Sarah Geronimo sa mga babaeng humaharap sa maraming pagbabago sa kanyang buhay matapos ang kasal nila ni TV actor Matteo Guidicelli.

Isa sa mga aspeto ng buhay ni Sarah na ganap na nagbago pagkatapos niyang maikasal ay ang kakayahan niyang hawakan ang sariling pera.

Credit: Sarah Geronimo Instagram

Sa isang live interview para sa isang insurance company kung saan siya ang tumatayong brand ambassador, tahasang inamin ni Sarah na sa loob ng 20 taon niyang pagiging artista ngayon lamang umano niya naranasan na hawakan ang sariling pera.

Pag-amin ni Sarah, “Ngayon ko lang na-experience how to handle my own finances, how to budget, how to invest.”

Credit: Sarah Geronimo Instagram

Ibinahagi rin ni Sarah na pakiramdam niya napabilis ang kanyang pagtanda dahil sa dami ng kanyang mga natutunan matapos maikasal.

Aniya, “To be honest, na-expedite ‘yung adulting ko.”

Bagong karanasan talaga raw umano para sa kanya ang paghawak at pagbabudget ng kanyang mga kinikita dahil noong dalaga pa lamang siya ay ang kanyang Mommy Divine ang nagma-manage sa lahat ng kanyang kinikita bilang artista.

Credit: Sarah Geronimo Instagram

Ani Sarah, “Ang mama ko po talaga kung kaya niya gawin lahat, gagawin niya para sa mga anak niya, para lang hindi maistorbo ang mga anak niya.”

Dagdag pa ni Sarah, malaki rin naman daw ang naitulong ng kanyang Mommy Divine at pati na rin ng kanyang asawang si Matteo para unti-unti ay matutunan niya ang mga bagay na kailangan niyang matutunan bilang isang maybahay.

Credit: Matteo Guidicelli Instagram

Kwento ni Sarah, “Ganun siya ka-loving sa mga anak niya, so ngayon natututunan ko na lahat, with help of my husband.”

Aminado rin si Sarah na lumaki siyang nakadepende sa mga magulang. Kaya ngayon daw ay pinapaalalahan niya ang kanyang sarili na hindi na siya pwedeng umasa sa mga magulang.

Saad ni Sarah, “I grew up na very dependent talaga sa aking parents, kasi talagang grabe naman talaga mag-alaga ang aking mama and daddy. I keep reminding myself now na hindi na ako single. I have to accept na hindi na ako single.”

Credit: Matteo Guidicelli Instagram

Sa huli, inilahad ni Sarah na ang prayoridad niya ngayon ay ang kanyang asawang si Matteo at ang pamilyang bubuuin nila sa hinaharap.

Ani Sarah, “Iba na ang priority ko sa buhay, my priority now is my husband kasi yun ang reality ng buhay ng pag-aasawa, na ang priority na is your husband and the family that you will be building with your husband.”

February ngayong taon ay ginanap ang simple at intimate wedding nina Sarah at Matteo.