Silipin ang kwarto ni Ryzza Mae Dizon na mayroong “kikay vibes” dahil sa napakacute na desenyo nito!

Inspirasyon para sa lahat ang isa sa mga pinakabatang host ng longest running noontime show sa bansa na “Eat Bulaga” na si Ryzza Mae Dizon matapos siyang makapagpundar ng sarili niyang bahay sa murang edad.

Credit: Ryzza Mae Dizon YouTube

Tatlong palapag ang taas ng naipundar na bahay ni Ryzza o “Aling Maliit” sa Tandang Sora, Quezon City.

Noong nakaraang Marso, pinaunlakan ni Ryzza ang pinakahihintay ng kanyang mga tagahanga na isang house tour vlog.

Credit: Ryzza Mae Dizon YouTube

Matapos naman ang kanyang house tour, sunod na ipinasilip ni Ryzza ang kanyang napaka-cute na kwarto sa kanyang “Room Tour 2021” vlog episode.

Mayroong “kikay” personality si Ryzza kaya naman swak para sa kanya ang desenyo at motif ng kanyang kwarto na pink at white.

Credit: Ryzza Mae Dizon YouTube

Pagpasok mo pa lang sa kwarto ni Ryzza ay ramdam mo na kaagad ang magandang ambiance nito.

Iba’t ibang cabinet naman ang makikita sa kwarto ni Ryzza kung saan nakalagay at naka-organize ang kanyang mga gamit.

Sa gilid lamang ng pinto ng kwarto ni Ryzza ay mayroong isang built-in shelf kung saan nakalagay ang napakaraming sapatos, bags at maging ang mga ginagamit niya sa pag-aayos tuwing may show siya tulad ng make ups, hair accessories at iba pa.

Credit: Ryzza Mae Dizon YouTube

Ayon kay Ryzza, binilhan umano siya ng kanyang nanay ng organizer baskets para hindi magkalat at madali lamang makita ang kanyang mga gamit.

Ipinakita rin ni Ryzza ang kanyang closet. Mayroong dalawang malalaking cabinet si Ryzza kung saan nakalagay ang kanyang damit panglakad, pambahay at pang-show.

Excited na ipinakita rin Ryzza ang litrato ng mga “bias” niya sa South Korean boy band group na BTS na sina Jungkook at Jimin.

Credit: Ryzza Mae Dizon YouTube

Siyempre, hindi mawawala sa kwarto ni Ryzza ang vanity area o dresser kung saan matatagpuan ang iba’t ibang klase ng make ups at perfumes niya.

Matatagpuan naman sa console cabinet ni Ryzza ang kanyang laptop, tablet at mga camera na ginagamit niya sa pag-eedit ng kanyang vlogs.

Sa tabi naman ng kanyang kama ay makikita ang isang table kung saan nakalagay ang isang picture frame na may mga larawan nila ng kanyang pamilya.

Credit: Ryzza Mae Dizon YouTube

Nagpalagay din si Ryzza ng mga floating shelf kung saan naka-display ang ilan sa espesyal at pinaka-iingatan niyang gamit.

Isa na rito ang kanyang natanggap na silver Play Button mula sa YouTube para sa pagkakaroon niya ng 100,000 subscribers.

May ilang Blackpink merchandise din si Ryzza dahil sobrang fan siya ng nasabing grupo tulad na lamang ng isang lightstick at Blackpink album.

Samantala, ipinakita rin ni Ryzza ang isa pa niyang computer area kung saan naman niya ginagawa ang kanyang online classes at hosting shows.

Huling ipinasilip ni Ryzza sa kanyang vlog ang kanyang bathroom na may isang bath tub, shower, sink, vanity mirror at built-in shelf.