Viral ang Twitter post ng Korean idol na si Sandara Park sa social media kung saan ay ibinida niya ang ilang pagkaing Pinoy na nagsilbing hapunan niya.

Kahit wala na sa Pilipinas si Sandara ay hindi pa rin niya nakalimutan ang mga pagkaing Pinoy na tumatak na sa kanyang panlasa.
Ipinost ni Sandara sa kanyang Twitter account ang ilang putaheng nabili niya sa isang Pinoy restaurant sa Seoul, South Korea kung saan ay kasalukuyan siyang nakatira.

Nagsilbing hapunan ni Sandara ang sisig, adobong kang kong, garlic rice na sinamahan pa niya ng sikat na inumin sa Pilipinas na Red Horse beer.
Sobrang saya umano ni Sandara dahil nakakain siya ng mga paborito niyang pagkaing Pinoy. Ani Sandara sa kanyang Tweet, “Sisig & kang kong & garlic rice & red horse! Ang dinner ko ngayon may nahanap akong masarap na Pinoy resto sa Seoul. Super happy ako!!!”

Labis namang kinaaliwan ng maraming netizens ang Twitter post ni Sandara dahil patunay lamang umano ito na hindi pa rin nawawala sa kanyang puso ang kanyang pagiging Pinoy.

Sa panahong isinusulat naman ito ay nakakuha na ng 13K retweets, mahigit 20K quote tweets at lagpas 190K likes ang Twitter post ni Sandara.
Narito naman ang ilang komento ng netizens sa Twitter post ni Sandara.
“Wooow! Namiss mo pagkaing pinoy ha! Miss ka na din nmin our one and only krungkrung Sandara! We love u!”
“Bro iba si Dara. Redhorse. Kaya siya ang unang koreanang kinabaliwan ko e.”

“Ay wow! Nakatuwa ka talaga Sandara Korean ka Peru sa puso mo Di nawawala ang pagiging Pinoy mo! Kaya mahal ka nmin Sandy #SandaraPark ang Pambansang krungkrung ng Pinas nagiisa ka”
Si Sandara ay ipinanganak sa Busan, South Korea. Noong 1994 ay lumipat sa Pilipinas ang pamilya ni Sandara pagkatapos malugi ang negosyo ng kanyang ama.
Taong 2004 ay nakilala ng mga Pinoy si Sandara matapos niyang sumali sa sikat na Kapamilya talent search na Star Circle Quest.

Noong 2007 ay bumalik sa South Korea si Sandara kung saan ay puspusan siyang nagsanay para maging isang Korean idol.
Noong 2009 naman ay nag-debut ang South Korean girl group na 2NE1 kung saan ay isa si Sandara sa apat na miyembro nito. Mas nakilala naman si Sandara worldwide sa kanyang stage name na Dara.
Sa ngayon, isa nang singer, TV host at aktres si Sandara sa South Korea.