Kilala si Kapuso hunk-actor Derek Ramsay bilang isang car enthusiast at car collector. Hindi lingid sa kaalaman ng marami, na hindi pangkaraniwan ang mga sasakyan na pagmamay-ari ni Derek.

Kamakailan lamang ay binisita ni celebrity doctor Vicki Belo at ng kanyang anak na si Scarlett Snow ang bahay ni Derek kung saan ay nakipagkwentuhan sila sa aktor pati na rin sa girlfriend nitong si Kapuso sweetheart Andrea Torres.

Sa pinakabagong vlog ni Vicki, ay ibinida ni Derek ang kanyang koleksyon ng luxury cars. Isa-isang ipinakita ni Derek ang kanyang mga kotse na nagkakahalaga ng milyon-milyon.
Una niyang ipinakita ang kanyang nakakamanghang James Bond-inspired Aston Martin DB11. Ayon sa isang website na CarGurus, nagkakahalaga ng mahigit $145,530 o higit 7 milyong piso ang isang Aston Martin.

Sunod na ipinakita ni Derek ang kanyang 2019 Bentley Continental GT na aniya, perfect combination umano ng vintage at modern design.
Ikwenento naman ni Vicki, na “dream car” umano niya ang 2019 Bentley Continental GT na pagmamay-ari ni Derek. May balak din si Vicki na bilhin ang nasabing luxury car kung ibebenta na ito ni Derek.

Kwento ni Vicki, “This is my dream and I’m asking Derek when he sells this kung pwede sa akin nalang.”
Ayon sa www.caranddriver.com, tumatagingting na $225,000 o higit 10 million pesos ang halaga ng Bentley ni Derek.
Nakakasilaw naman sa mata ang magarang sports car ni Derek mula sa Italian luxury sports car manufacturer na Ferrari.

Ayon sa YouTube channel ng Business Insider, ang kanyang pulang Ferrari F12 Berlinetta ay nagkakahalaga ng $315,000 o higit 15 million pesos.
Nagmamay-ari rin si Derek ng isang Rolls-Royce Ghost na maaaring nagkakahalaga ng $304, 392 o higit 14 million pesos ayon sa Truecar.com.

Huling ipinakita ni Derek ang nabili niyang sasakyan para sa kanyang anak na si Austin na ginawa ng isang Japanese car manufacturer company.

Kagaya ng ama, ay mahilig din sa kotse ang 16 na taong gulang na anak na lalaki ni Derek sa kanyang dating asawa na si Mary Christine Jolly.
Samantala, bukod sa mga kotse ay mahilig din si Derek sa mga aso at paglalaro ng golf.

Matatandaang taong 2017 ay nanalo si Derek kasama ang kanyang kapwa actor at golf enthusiast na si John Estrada sa Jack Nicklaus Invitational Tour sa New Albany Country Club sa Ohio, United States.