Sandamakmak na tawa ang hatid ng TV host-comedian na si Vice Ganda sa mga customer ng sikat na fast-food chain sa Pinas na “Mang Inasal”.

Nitong December 9, inilabas ni Vice ang kanyang vlog na pinamagatan niyang “VICE GANDA NAGING SERVICE CREW!”.
Sa vlog, mapapanood ang komedyante na ginagawa ang mga gawain ng isang service crew sa loob ng isang araw.
Ayon kay Vice, isa sa mga pagsubok na matapang niyang haharapin ay ang maranasan ang buhay ng isang service crew.
Aniya, “Sa araw na ito ng aking buhay mga Kapamilya, ay meron akong isang pagsubok na buong pusong haharapin…Ito ay ang maranasan ang kakaibang buhay ng isang service crew…”

Mapapanood sa vlog na una munang ginampanan ni Vice ang trabaho ng isang cashier na ini-atas sa kanya ng manager.
Upang magampanan naman ito ni Vice nang maayos ay dumaan muna siya sa isang maikling training sa paggamit ng Point-of-Sale computer.

Tinuruan si Vice ng manager paano pindutin ang mga order ng customer at maging ang tamang attitude na dapat niyang ipakita kapag kaharap na niya ang isang customer.
Matapos ang maikling training session, nagsimula nang kumuha ng mga order si Vice mula sa mga pumapasok na customer.
Kapansin-pansin na nagamit ni Vice ang kanyang masiyahin na personalidad dahil maayos niyang napapakitunguhan ang mga customer.

Siyempre ay hindi mawawala ang kanyang mga joke na nagbigay naman ng ngiti sa mga customer.
Bukod sa pagkuha ng order ay namigay din ng mga gift check si Vice sa mga customer.
Isa sa mga nabigyan ni Vice ng gift check ay ang isang customer na kapangalan ng kanyang ama. Niregaluhan din ni Vice ng mga gift check ang dalawang customer na miyembro ng LGBT community.

Samantala, nangisay naman sa kilig si Vice nang pumasok ang kanyang boyfriend na si Ion Perez sa kanilang store at umorder. Halos mawalan ng pokus ang komedyante nang umorder sa kanya si Ion.

Pagkatapos maging cashier, sinubukan naman ni Vice na maging tagabigay ng kanin sa Mang Inasal. Isa-isa niyang tinanong ang mga kumakain na customer kung gusto pa ba nila ng ekstrang kanin.

Makikita naman sa mukha ng mga customer na natuwa sila sa presensiya ni Vice dahil patok na patok sa mga ito ang mga joke ng komedyante.

Huling naranasan ni Vice ay ang pumasok sa kitchen area ng Mang Inasal. Aniya, hindi umano makukumpleto ang kanyang ‘experience’ kapag hindi niya napasok ang kitchen area ng Mang Inasal kung saan niluluto ang patok sa mga Pinoy na chicken inasal.

Sa huli, sinabi ni Vice na nag-enjoy umano siya sa kanyang experience bilang isang service crew. Pinasalamatan din niya ang lahat ng crew ng Mang Inasal na nakasama niya habang nagsilbi siya bilang isang service crew.