Magbibigay ng tig-lilimang milyong piso si TV host Willie Revillame sa lungsod ng Marikina at Rizal bilang tulong sa mga kababayan nating matinding naapektuhan sa pananalasa ng bagy0ng Ulysses. Sa kanyang variety show sa Kapuso network na “Wowowin” nitong November 13, inanunsyo ni Willie na ibinenta niya ang kanyang mamahaling sasakyan sa halagang P7 milyon para ibigay sa Marikina at Rizal.
Ayon kay Willie, gusto niyang ibalik sa mga taong tumangkilik sa kanyang programa ang perang kinita niya.

Kwento pa ni Willie, na hindi na umano mahalaga sa kanya na magkaroon ng magandang sasakyan kung marami sa kanyang kababayan ay naghihirap.
Napagtanto rin daw niya na labis siyang biniyayaan ng Panginoon kaya naman gusto niyang ibahagi ang kanyang blessings sa mga tao.

“Naisip-isip ko napakabait ng Panginoong Diyos sa akin… Hindi kami pinabayaan…Naisip ko paggising ko nang umaga, tinawagan ko ‘yung isa kong kaibigan…Sabi ko, i-fastbreak mo nga ‘yung isa kong kotse.”
Ang sasakyan na ibenenta ni Willie ay isang Range Rover na noong binili raw niya ay nagkakahalaga ng P12 milyon.
Ngunit dahil madalian ang pagbebenta niya kaya ibinenta niya ito sa halagang P7 milyon.
Kwento ni Willie, “Ngayon binili sa akin ng P7 million. Aanhin ko ho ‘yun nasa garahe lang! Sa panahon na ‘to hindi ko kailangan ng mga ganyang kotse. Sabi ko, ‘Siguro, ito na ang pagkakataon makatulong ako sa mga kababayan natin ulit.”
Dagdag ni Willie, “Bale ho, P7 million, dadagdagan ko ho ‘yun [mula sa] konting naipon ko. Magbibigay po ako sa Montalban [Rizal] ng another P5 million at another P5 million sa Marikina.”

Nilinaw naman ni Willie na kaya siya nagdesisyon na i-anunsyo sa Philippine TV ang kanyang pagbibigay ng pera ay para malaman ng mga residente na may perang nakalaan para sa kanila.
Aniya, “Sinasabi ko lang ang totoo baka sabihin nila nagyayabang ako…Hindi ho totoo ho ‘yan…Ang perang ito ho eh, pera ‘to para sa inyong kababayan. Eto po ‘yung binabalik ko ‘yung pasasalamat ko sa mga taong nagmamahal sa programang Wowowin dito sa amin sa GMA, sa akin. Kaya ko ‘to sinasabi ho dahil ito ‘yung totoong nararamdaman ko. Sabi nila bakit kailangan ko pang ipakita sa TV o ano.”

Dagdag niya, “Kailangan ko hong malaman n’yo para malaman ng mga kababayan natin na may perang inilaan para sa inyo at ‘yun po ay para sa inyo.”
Sa huli, sinabi ni Willie na hindi niya kailangan ng magkaroon ng posisyon sa gobyerno para lamang tumulong.
Aniya, “Nandito po kami, nandito po ako. Hindi ko kailangan ng posisyon. Kailangan ko ho ng pagmamahal para sa inyo. Ipagdasal niyo lang ho ako na sana tumagal pa ang programang ito para mas marami pa kaming matulungan.”