YouTubers na sila Cong at Viy, napatalon at napatakbo sa tuwa nang malaman ang gender ng kanilang baby

Sa wakas ay alam na ni Viy at Cong ang gender ng kanilang pinakahinihintay na si baby Kidlat kaya naman talagang abot-langit ang nararamdaman nilang kasiyahan!

Credit: @viycortez Instagram

Sikat sa mundo ng vlogging ang couple na si Cong at Viy at hindi naman lingid sa kaalaman ng karamihan na matagal nang sinusubukan ng dalawa na magkaroon ng baby at ngayon na nagbunga na rin ang kanilang pagmamahalan, hindi rin sila makapaghintay na malaman ang gender ng kanilang magiging anak o kung tawagin nila bilang si baby Kidlat.

Nito lamang Huwebes, February 3 nang nagkaroon ng ‘Gender Reveal’ party ang couple sa Palazzo Verde sa Las Piñas na dinaluhan naman ng kani-kanilang pamilya, mga kaibigan, at ng Team Payaman. Sa espesyal na event na ito sa buhay ni Cong at Viy na ilang buwan mula ngayon ay magiging ganap nang mga magulang, labis ang naging paghahanda nila.

“Today is the day! Malalaman na namin kung anong gender ni Kidlat,” excited na pahayag ni Viy habang nag-aayos sa kanyang makeup.

Credit: @viycortez Instagram

Nang nagsisidatingan na ang mga bisita sa venue, nagkaroon ng hulaan ang iilan sa kanila kung ano ang gender sa magiging anak ni Viy at Cong: 29 ang bumoto na ‘Little Cong’ si baby Kidlat habang 12 naman ang humula na ‘Little Viy’ o babae ito.

Sa exciting na event na ito, talagang bongga ang preparations ng couple dahil nag-hire lang naman sila ng isang helicopter na siyang magpapa-ulan ng ‘colored powder’: blue kung lalaki at pink naman kung babae.

Habang hinihintay ang pagdating ng helicopter sa field kung saan ay excited na naghihintay ang lahat, makikita naman sa reaksyon ng couple at ng kanilang mga bisita na hindi na sila makapaghintay na malaman ang gender ni baby Kidlat!

Nang umulan ng kulay blue na powder, kaagad na naghiyawan ang lahat habang abala naman sa pagtatatalon, pagtatatakbo, at pag-ikot sa field si Cong habang umiiyak naman sa labis na kasiyahan si Viy.

“So guys, it’s a boy!” buong kaligayahan na sigaw ni Viy.

Nang nalaman na rin nila ang gender ni baby Kidlat, ikinuwento ni Viy na matagal na siyang may hunch na lalaki ang baby sa kanyang sinapupunan. Sadyang napakalakas ng instinct ng isang babae!

Credit: CongTV YouTube

“My God, it’s a boy! Hindi ko alam. Hindi ako naiyak kasi inaasahan ko talagang boy. Ina-attract ko talaga boy kasi puro kami girl sa bahay,” ayon kay Viy.

Credit: @viycortez Instagram

Congratulations, Cong at Viy!