Ipinamalas ng napakagandang anak ng mag-asawang Marian Rivera at Dingdong Dantes na si Maria Letizia o Zia ang kanyang talento sa pagsayaw at pagkanta. Nitong bisperas ng Bagong Taon ay nagbigay saya si Zia sa pamamagitan ng pagsayaw at pagkanta.

Sa isang video na ibinahagi ni Dingdong sa Instagram ay mapapanood ang pagsayaw ni Zia sa hit-song ng sikat na South Korean girl group na Blackpink na “How You Like That”.
Makikita sa video na aliw na aliw si Marian at ginagaya pa ang mga dance step ng kanyang anak.
Cute na cute ang mag-ina sa suot nilang kulay yellow na polka dot dress.
View this post on Instagram
Punong-puno naman ng energy si Zia habang sumasayaw sa kanyang sariling dance steps.
Bukod sa pagsayaw ay ibinida rin ni Zia ang kanyang singing talent.
Hawak ang isang kutsara bilang kanyang mikropono, kinanta ni Zia ang kanta ni Katy Perry na “Roar”.
Nakakatuwang panoorin si Zia dahil talagang feel na feel niya ang kanyang pagkanta. Mistulang nasa isang concert stage ito sa kanyang all-out performance.

Naki-jamming din si Zia sa mga kanta ng The Beatles na “Yesterday” at “Let It Be”. Mahilig talagang kumanta si Zia. Sa katunayan, sa isang panayam ay sinabi ni Marian na gustong maging singer ni Zia paglaki nito.
Ani Marian, “As of now, gusto niyang maging singer…Kanta ng kanta with acting pa.”

May iniidolo na ring singer si Zia. Sa kanyang kaarawan noong November 5, labis-labis ang tuwa na naramdaman ni Zia matapos siyang batiin ni “Popstar Princess” Sarah Geronimo.
Fan ni Sarah si Zia kaya naman nang mapanood niya ang video message ni Sarah ay sobra siyang kinilig. Paborito ring sayawin ni Zia ang kanta ni Sarah na “Tala”.

Sa ngayon, limang taong gulang na si Zia ngunit sa kabila ng kanyang murang edad ay marami na siyang tagahanga.
Sinabi naman ni Marian na kung nanaisin ni Zia na pumasok sa showbiz ay 100% nila itong susuportahan ni Dingdong.

May isang kondisyon naman sina Marian at Dingdong bago nila payagan si Zia na mag-showbiz. Ayon kay Marian, bago nila papayagan si Zia sa mga gusto nitong gawin ay dapat magtapos daw muna ito ng kanyang pag-aaral.