10-taong gulang na bata na nag-aararo ng 2-hektaryang bukid, viral dahil sa kanyang sakripisyo para sa kanyang lolo’t lola

Kung ang ibang bata ay masayang naglalaro at nakakapag-aral, ang 10-taong gulang na batang si Reymark Mariano naman ay tinitiis ang init at pagod sa pagtatrabaho sa bukid para lamang matulungan ang kanyang pamilya.

Credit: GMA Public Affairs YouTube

Umani ng samu’t saring reaksyon mula sa netizens ang kwento ni Reymark mula sa bayan ng Bagumbayan sa probinsya ng Sultan Kudarat na naitampok nitong linggo lamang sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho”.

Dahil sa matinding kahirapan, maagang namulat sa pagbabanat ng buto sa bukid si Reymark. Sa edad na 10-taong gulang, batak na sa pag-aararo ng lupa ang maliit na katawan ni Reymark.

Credit: GMA Public Affairs YouTube

Katuwang lamang ang kanilang alagang kabayo na si ‘Rabanos’, umaga pa lamang ay tinatahak na ni Reymark ang matarik at makitid na daan papunta sa kanilang aararuhing dalawang ektaryang taniman ng gulay.

Ayon sa kwento ng kanyang lolo’t lola na sina Rudy at Nerissa, tatlong gulang pa lamang si Reymark nang iwan ito sa kanila ng nanay nito.

Sa ngayon, may kinakasama nang iba ang nanay ni Reymark. Habang ang kanyang ama naman, ayon sa kwento ng kanyang Lolo Rudy, nakulong dahil sa kasong il!gal na pag-iingat ng bar!l.

Credit: GMA Public Affairs YouTube

Hindi naman maiwasan ni Reymark na ipahayag ang kanyang nararamdamang pagod mula sa buong araw na pag-aararo ng lupa.

Maluha-luha ring inamin ni Reymark sa panayam sa kanya ng KMJS na nangungulila siya sa kanyang ama.

Credit: GMA Public Affairs YouTube

“Nagawa ko pong mag-araro dahil sa kanya. Hindi rin niya gusto pero kahit anong gawin, ganun talaga,” madamdaming saad ni Reymark.

Dagdag niya, “Gusto ko sana na makasama siya…Miss ko na, dahil napapagod na po akong mag-araro dahil lang sa kanya. Kung nandito lang po siya, hindi na po ako mag-aararo.”

Ikwenento rin ni Reymark na maraming beses na siyang nasugatan habang nagtatrabaho sa bukid. Ngunit aniya, sa kabila ng hirap na nararanasan niya mula sa pag-aararo ng napakalawak na bukirin, para sa kanyang pamilya ay kinakaya niya ang lahat ng mga ito.

Credit: GMA Public Affairs YouTube

Matanda na ang lolo’t lola ni Reymark kaya naman sa abot ng kanyang makakaya ay nagsisikap siya para matulungan ang mga ito.

Kwento ni Reymark, ang kanyang kinikita mula sa pagtatrabaho sa bukid ay ipinambibili niya ng sardinas at gamot.

Ani Reymark, “Maliit pa ako, ganito na ang trabaho ko. Napapagod na po akong mag-araro. Pero sige lang, kakayanin ko para sa pamilya ko.”

Nang tanungin naman si Reymark kung anong pangarap niyang maging paglaki, nakangiting sinabi niya na gusto niyang maging sundalo para maprotektahan hindi lamang ang kanyang pamilya pati na rin ang kanyang bansa.

Samantala, matapos maitampok ang kwento ni Reymark, kaagad na bumuhos ang tulong para sa kanya at sa kanyang pamilya mula sa iba’t ibang organisasyon tulad ng grocery package, school supplies at cash assistance.