16-anyos na estudyante, hinangaan pagkatapos niyang maging isang ganap na milyonarya at makapag-ipon ng P1 million dahil sa pagbebenta online ng beauty products

Kanya-kanyang diskarte ngayon ang marami sa atin sa paghahanap ng mapagkakakitaan lalo na’t maraming nawalan ng trabaho at maraming negosyo ang nagsara dahil sa matinding epekto ng p@ndemya sa ekonomiya ng bansa.

Credit: Unang Hirit on GMA Public Affairs YouTube

Isa naman sa mga patok na pinagkakakitaan ngayon ng maraming Pinoy, bata man o matanda, ay ang pagbebenta ng kung anu-anong produkto online o sa mga social media site.

Kabilang nga ang Grade 10 student na si Irish Oloris sa mga Pinoy na nakahanap ng magandang oportunidad sa pag-oonline selling.

At sa kanyang murang edad, kahanga-hanga na ang tagumpay na natamo ni Irish sa mundo ng pag-oonline selling.

Hinahangaan ngayon si Irish ng marami matapos siyang maging isang ganap na milyonarya at makapag-ipon ng P1 million mula lamang sa kanyang kinikita sa pagbebenta online ng beauty products.

Credit: Unang Hirit on GMA Public Affairs YouTube

Huwaran na maituturing si Irish para sa kapwa niya kabataan dahil maayos niyang nababalanse ang kanyang pag-aaral at ang kanyang trabaho bilang isang online seller.

Sa panayam ng programang “Unang Hirit” kay Irish, sinabi niyang isa sa mga motto niya sa buhay ay ‘dream at a very young age’. Giit pa ni Irish, ‘walang limit’ ang pagkakaroon ng pangarap.

Ayon din kay Irish, ang pagsisimula nang maaga sa pagnenegosyo ay nagsisilbing preparasyon niya para sa kanyang kinabukasan.

Credit: Unang Hirit on GMA Public Affairs YouTube

Aniya, “Mas maganda na po ‘yung mag-start ka nang maliit at mag-dream ka po nang malaki, para may (preparation) na rin po sa future.”

Ibinahagi naman ni Irish na nakabili na siya ng kanyang sariling property sa Zambales mula sa kanyang kinita sa pagbebenta online.

Credit: Unang Hirit on GMA Public Affairs YouTube

Sa kabila naman ng kanyang tagumpay, prayoridad pa rin ni Irish ang kanyang edukasyon. Kaya naman ngayon pa lamang ay naghahanda na siya para sa kanyang pang-kolehiyo at nagsisimula na siyang mag-ipon para rito.

Samantala, malaki ang papel na ginampanan ng ina ni Irish na si Irene para maaga siyang mamulat at matuto sa pagnenegosyo. Isa nga sa mga itinuro ni Irene kay Irish ay ang ‘proper mindset’ pagdating sa pagnenegosyo.

Credit: Unang Hirit on GMA Public Affairs YouTube

Saad ni Irene sa panayam sa kanya ng programa, “Kailangan magkaroon sila ng proper mindset in terms of business.”

Dagdag niya, “Siyempre at her age, ‘yan ‘yung tipong kinikilig-kilig muna sa mga crush, ‘di ba? ‘Dun muna sila mas nakaka-focus. Pero dahil nga sa nangyaring pandemic, nakita ko kasi ‘yung mga kabataan ngayon na ‘yung medyo anxiety, depression, so iniba ko yung focus niya at in-introduce ko sa kaniya ‘yung business.”

Sa huli, may paalala si Irene para sa anak. Aniya, huwag sanang kalimutan ni Irish kung saan siya nanggaling at unahin lagi ang Panginoon at ang pagtulong sa kapwa bago ang hangaring kumita ng pera.

Saad pa ni Irene, “Kapag ang goal niya is to help other people through her business, ‘yung money, talagang susunod at susunod.”