4-taong gulang na bata mula sa Lanao del Norte, pursigidong nag-iipon para sa kanyang edukasyon at pamilya!

Ang pag-iipon ay isa lamang sa mga paraan na magagawa natin upang mapaghandaan ang ating kinabukasan at ng ating pamilya.

Credit: Marefe Sanes via GMA News Facebook

Ito ang aral na itinuro sa maraming tao ng 4 na taong gulang na bata na si Althea Tumapon mula sa Kapatagan, Lanao del Norte.

Marami ang humanga kay Althea nang ibahagi ng kanyang tiyahin na si Marefe Sanes ang kanyang istorya ng pag-iipon para makatulong sa kanyang mga magulang at kapatid.

Nito lamang June 11, naibida ang istorya ni Althea sa programang “24 Oras” kung saan ay nakapanayam siya ng reporter na si Mariz Umali.

Matatandaang unang nag-viral ang ipinost ng mga letrato ng tiyahin ni Althea na si Marefe Sanes sa Facebook kung saan makikita ang perang naipon ni Althea.

Ayon sa kwento ng tiyahin ni Althea, taong 2018 pa nang magsimulang matutong mag-ipon ang kanyang pamangkin.

Ibinahagi rin ni Marefe na ang mga naipon ni Althea ay malaking tulong para sa kanyang mga magulang na parehong hindi makapagsalita at makarinig.

Pagsasalaysay ni Marefe, noong nakaraang Enero ay nanganak ang ina ni Althea. Napakalaking tulong nga ng naipon ni Althea na umabot sa P1,500 para pandagdag sa pambayad ng kanilang gastusin sa panganganak ng kanyang ina.

Credit: Marefe Sanes via GMA News Facebook

Maliban naman sa pagtulong sa kanyang pamilya, sinabi rin ni Althea na kaya siya nag-iipon para may pambili siya ng mga kagamitan para sa kanyang nalalapit na pagpasok sa eskwela.

Ngunit sa kanyang murang edad saan nga ba kinukuha ni Althea ang mga perang iniipon niya?

Sinagot naman ng Lola Silvestra Tanjay ni Althea ang palaisipang ito ng marami na nais malaman kung saan nanggagaling ang perang iniipon niya.

Kwento ni Lola Silvestra, tuwing umuuwi siya sa kanila mula sa pagbebenta ng mga gulay ay nanghihingi ng pera ang kanyang apo.

Credit: Marefe Sanes via GMA News Facebook

Binibigyan naman daw niya ito lalo na’t nalaman niyang nag-iipon si Althea para sa kanyang pag-aaral.

Saad ni Lola Silvestra, “Kung makakabenta ako ng mga gulay, pag-uwi ko sa bahay hihingi siya sa akin ng pera. Sabi niya, ‘Iipunin ko para sa school. Malapit na ako sa school. Bibili ako ng notebook at ballpen.'”

Samantala, pagkatapos magamit ang naipon niyang pera, balak naman ngayon ni Althea na magsimula muli sa pag-iipon para pa rin sa kanyang pag-aaral at pamilya.