5-anyos na Russian-American, pinabilib ang marami dahil sa kanyang galing sa pagsasalita ng Tagalog!

Marami ang naaliw sa isang batang wala namang dugong Pinoy ngunit sa kanyang murang edad ay mahusay nang magsalita ng Tagalog!

Sa ulat ni Mav Gonzales sa programang 24 Oras, nakilala ng marami ang bata bilang si Nicholas, isang 5-taong gulang na bata na half Russian at half-American.

Credit: 24 Oras Weekend on GMA News YouTube

Kung hindi mo maririnig itong magsalita ng Tagalog ay talagang hindi mo aakalain na marunong pala itong magsalita sa ating lenggwahe dahil wala naman sa mukha nito ang pagiging isang Pinoy.

Kaya naman marami ang namangha nang mapanood nila ang mga video ni Nicholas kung saan ay magiliw siyang nagsasalita ng Tagalog.

Credit: 24 Oras Weekend on GMA News YouTube

Sa isang video, makikita si Nicholas na nagbibilang sa Tagalog. Habang sa isang hiwalay na video, mapapanood siyang bibong kumakanta ng Pinoy rhyme song na “Tong, Tong Pakitong-Kitong.”

Nakakaintindi rin si Nicholas ng Tagalog dahil sakto ang mga sagot niya tuwing siya ay tinatanong sa Tagalog.

Ilan lamang sa mga salitang Tagalog o Filipino na alam bigkasin ni Nicholas ay “gatas, tubig, masarap.” Paboritong pagkain naman niya ang adobo!

Ngunit paano nga ba natuto si Nicholas na magsalita sa ating lenggwahe?

Ang Pinay caregiver na si Jobel Bautista ang dahilan kung bakit marunong mag-Tagalog si Nicholas. Mula kasi noong sanggol pa si Nicholas hanggang ngayon ay si Jobel na ang nagsilbing tagapangalaga o yaya niya.

Credit: 24 Oras Weekend on GMA News YouTube

At dahil madalas silang magkasama, kaya nga tinuruan ni Jobel si Nicholas na magsalita ng Tagalog.

Kwento naman ni Jobel, bukod sa lenggwahe, nais din niyang ituro kay Nicholas ang kultura at mabubuting asal ng mga Pinoy. Ibinunyag pa ni Jobel na marunong gumamit ng “po” at “opo” si Nicholas.

Credit: 24 Oras Weekend on GMA News YouTube

“I remind him. When he asks for something like food, I tell him, ‘What will you say?’ He answers with ‘Salamat po,'” pagbabahagi ni Jobel.

Ayon kay Jobel, humingi muna siya ng pahintulot sa mga magulang ni Nicholas bago niya ito tinuruan na magsalita ng Tagalog. Masayang masaya raw siya lalo na’t pumayag ang mga magulang ni Nicholas.

Credit: 24 Oras Weekend on GMA News YouTube

“Sinabi ko sa mga parent niya na okay lang ba na maturuan siyang magsalita ng Tagalog and then, they are fine!” masayang kwento ni Jobel.