Sa tuwing may kasalan, aasahan talaga na may iyakang magaganap dahil isa lang naman ito sa mga pinakaimportanteng event sa buong buhay ng isang mag-asawa pero tila’y itinodo naman ito ng bagong kasal na sina Lorellei at Jayson Saplala dahil tiyak na mapapaiyak ka talaga sa souvenir nilang sibuyas!
Hindi na talaga biro ang presyo ng mga bilihin sa panahon ngayon dahil maliban sa gasolina, marami rin ang nababahala sa pag-angat sa presyo ng mga sibuyas na siyang pangunahing sangkap natin sa pagluluto kaya naging praktikal talaga ang couple na sina Lorellei at Jayson Saplala dahil sa kanilang kasal, namahagi lang naman sila ng sibuyas sa lahat ng kanilang mga bisita bilang kanilang giveaways.
Sa Facebook post ng coordinator ng kanilang kasal na si Aldrik Gohel na kasalukuyang viral ngayon, ibinahagi niya ang mga larawang kuha sa kasal kung saan ay makikitang personal na ipinamahagi ng bagong kasal ang giveaways nilang sibuyas na inilagay nila sa maliit na mga bayong.
Sa ekslusibong interview ng Balita Online kay Mr. Gohel, ibinahagi niyang negosyo umano ng pamilya ng bride na si Lorellei ang sibuyas sa Ilocos Sur at sa kadahilanang mahal na ang presyo nito ngayon, naisipan umano ng couple na maging practical sa kanilang giveways at para maiba na rin.
“Para makatulong din sila sa mga guests dahil nga po mahal ang sibuyas. Hayun, sold out!” Natatawang saad ni Mr. Gohel.
Sa naiiba at napapanahong giveways ni Lorellei at Jayson sa kanilang kasal, hindi lamang natuwa ang kanilang mga bisita dahil lubos din silang pinasalamatan ng lahat dahil napakalaking tulong umano nito sa kanilang araw-araw. Dahil sa outcome ng ipinamahagi nilang souvenirs, labis talaga ang tuwang nararamdaman ng couple dahil hindi lamang nila napasaya ang kanilang mga panauhin dahil nakapag-abot din sila ng konting tulong.
“Nakakatuwa at sobrang saya ng mga bisita sa sibuyas, at ‘yun kasing sibuyas ang madami kami kaya para makatipid, ginawa naming giveways,” pahayag ni Lorellei.
Sa panahon ngayon, nagtataasan na talaga ang presyo ng pangunahin nating mga bilihin kaya nagsilbi talagang malaking tulong ang naiiba ngunit napapanahong giveaways ni Lorellei at Jayson Saplala sa kanilang kasal.