Edukasyon ang isa sa maituturing nating kayamanan sa buhay. Nakakalungkot nga lang na sa panahon ngayon hindi na isang karapatan para sa ilan ang makapag-aral kung hindi isa na itong prebilihiyo.

Hindi natin maitatanggi ang katotohanang maraming kabataan ngayon ang kailangan magbanat ng buto para lang makapagtapos ng pag-aaral. Ngunit kaygandang pakinggan na hindi tayo nag-iisa sa pagkamit natin ng ating mga pangarap sa buhay. May mga tao pa rin kasing handang maghirap kasama natin, matulungan lang tayong maging matagumpay.

Ito ang napakagandang kuwento ng magkasintahang Ray Mark de Martin at Blessy Parreño na kamakailan lang ay nag-trending dahil sa Facebook post na ibinahagi ni Blessy, kung saan ay ikinuwento niya ang hindi matatawarang kontribusyon ni Ray Mark para makapagtapos siya sa kolehiyo.
Sa Facebook post ni Blessy, ibinahagi niya ang mga pagsasakripisyong ginawa ni Ray Mark para suportahan siya sa buong taon niya sa kolehiyo.

Aniya, pinasok daw ng nobyo ang lahat ng pwedeng pagkakitaan nito para lang masuportahan siya sa kanyang pag-aaral.
Upang masuportahan si Blessy, pinasok ni Ray Mark ang pagiging kargador ng palay, construction worker, cook at ngayo’y OIC ng Mang Inasal.
Dahil si Ray Mark ang nagpapaaral sa kanya, hindi maiwasan ni Blessy na makatanggap ng mga panghuhusga mula sa mga taong nakapaligid sa kanila.

Aniya, maraming beses niyang kinapalan ang kanyang mukha dahil sa mga pumupuna sa pagtulong ni Ray Mark sa kanya.
Sa Facebook post ay ikinuwento niya,
“Nagtiis kmi pareho, nagsikap at pinagtiyagaan ang lahat ng bagay na meron kami.”
“Mahirap??? Oo sobra, maraming chismiz, negative thoughts at panghuhusga! Kesyo iiwan ka rin nyan pagkagraduate niya, bakit ka maghihirap dyan eh di muyan kaano ano.”

“Ilang beses Kong kinapalan ang aking mukha. Nilakasan ang aking loob. At sa awa ng Diyos, nalampasan namin ang lahat.”
Bilang sukli na rin sa pagsisikap at pagsasakripisyo ni Ray Mark ay ginalingan ni Blessy ang kanyang pag-aaral.
Nakapagtapos si Blessy bilang Cum Laude sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in Filipino sa Capaz State University.

Mensahe ni Blessy kay Raymark, “Isang taos pusong pasasalamat, Sayo RM De Martin kung wala ka, wala rin akong mararating. Nandito ako, umasa kang, Hindi ka iiwan at susuklian ang lahat ng iyong paghihirap.”
Isang biyaya rin para sa dalawa dahil naipasa ni Blessy ang Licensure Examination for Teachers noong 2019.

Sa huling bahagi ng post ay nag-iwan ng isang magandang mensahe si Blessy para sa lahat.
Aniya, “Sa lahat ng mga nakakabasa, lahat ng batang pinapaaral, sanay huwag sayangin ang paghihirap ng inyong mahal sa buhay, laging tatandaan na ang lahat ay may mabuting dulot kapag sinamahan ng pagsisikap, pagtitiis, pagtitiyaga at higit sa lahat ay pananalig sa Poong may likha.”