“Kung gusto may paraan, kung ayaw may dahilan.” Maraming kuwento ngayon ng pagsisikap at diskarte ng mga Pinoy para maka-survive sa gitna ng p@ndemya ang kumakalat sa social media.
Isa na nga rito ang delivery rider na viral ngayon sa social media na si Francis Ax Valerio dahil sa pagiging madiskarte nito para lang ipagpatuloy pa rin ang pag-aaral kahit pa nagtatrabaho siya.

Sa isang social media post na inilabas ng isang kapwa delivery rider na si Christian Lorenz Nuñez ay binigyang pugay niya ang kasipagan ni Francis hindi lamang sa pagtatrabaho kundi pati na rin sa pag-aaral.
Sinabi ni Christian sa caption ng kanyang post na, “Kaya pala pumarada si paps .. kasi need nya umatend ng online class . Sana matupad mo.ung mga pangarap mo ..salute u pre”.

Sa artikulong inilathala ng ABS-CBN News, ay ikinuwento ni Francis ang istorya sa likod ng nag-viral niyang litrato kung saan makikitang nakaparada ang gamit niyang motorsiklo sa pagde-deliver sa gilid ng isang mall sa Parañaque City habang nagsusulat sa kanyang notebook. Ayon kay Francis, huminto muna raw siya pansamantala para dumalo sa kanyang online class.
Isang third year communications student si Francis sa Adamson University at para matustusan ang pangangailangan ng pamilya ay nagtatrabaho siya bilang isang delivery rider sa isang delivery service company.

At dahil nag-aaral din siya ay kailangan niyang humanap ng paraan para mapagsabay ang trabaho at pag-aaral sa kolehiyo.
Ibinahagi rin ni Francis sa ABS-CBN News na natigil daw sa pagtatrabaho bilang isang government employee ang kanyang ina para maalagaan ang ama ni Francis na na-str0ke kamakailan lang. Bilang panganay sa dalawang magkakapatid, ay kinailangan talaga ni Francis na magdoble kayod para matulungan ang pamilya lalo na’t mas pinalala pa ng p@ndemyang ating nararanasan sa kasalukuyan ang pagsubok na dumaan sa kanilang pamilya.

Aniya, “Panganay po ako, dalawa kaming magkakapatid. Mama ko po government employee pero ‘di na po siya nakaka-work dahil siya nag-aalaga kaya Papa.”
“Naaawa po ako sa mama ko dati nakikita ko siya naiyak ‘pag wala na siya mabigay sa’min kaya nagpursige na po ako magtrabaho,” ani Francis sa ABS-CBN News.

Samantala, ikinuwento rin ni Francis na nagtatrabaho rin siya noon sa isang fastfood chain bilang sideline.