Nauuso ngayon ang mga online shopping mall. Hindi na kasi masyadong nakakalabas ang mga tao, kaya naman sa mga online shopping mall na lamang sila bumibili ng mga kinakailangan nila.
Credit: Marlon Cajucom Facebook
Hindi naman lubos akalain ng dalagang si Jhasin May Benito mula sa Asingan, Pangasinan na sa pag-oonline shopping pala niya makikita ang kanyang magiging mister.
Marami nga ang kinilig sa love story nina Jhasin May at ng kanyang mister na ngayon na si Marlon Cajucom.
Si Jhasin May kasi ay isang regular customer ng isang online shopping mall kung saan ay nagtatrabaho si Marlon bilang isang delivery rider o nagde-deliver ng mga parcel na inorder ng mga customer.
Credit: Marlon Cajucom Facebook
Sa isang Facebook post, ikwenento ni Marlon na ang karaniwang pagde-deliver niya ng mga parcel ay mas naging ‘exciting’ dahil sabik siyang makita si Jhasin May.
“Naalala ko pa nu’ng una kitang [Jhasin] nakilala lagi akong excited pumasok lagi sa trabaho para i-check kung mababasa ko ba ang pangalan mo sa runsheet ko tuwing umaga,” kwento ni Marlon.
Ayon pa kay Marlon, ni sa panaginip niya ay hindi niya inaasahan na mapapansin siya ni Jhasin May.
“Kahit sa panaginip kako, sabi ko hindi ko naman inexpect na papansinin ako nito [Jhasin]. Actually [‘yun] po talagang nasa isip ko na hindi ako papansinin nito sabi ko kasi maganda, mukhang hindi sanay magtrabaho,” ani Marlon.
Laking gulat nga ni Marlon dahil nang makilala niya si Jhasin May ay mabait, “napaka-approachable”, at madali umano itong kausapin.
Ang ina talaga umano ni Jhasin May na si Mary Grace ang naging tulay para mas makilala pa niya ang dalaga.
Bukod kasi kay Jhasin May, naging regular customer din ni Marlon ang ina nito.
Noong October 2020 nga, natanong si Marlon ng ina ni Jhasin May kung bakit sobrang sipag umano niyang magtrabaho. Kwento ni Marlon, gabi na raw kasi noon ay nagde-deliver pa siya ng mga parcel.
“ang sagot ko po noong time na [‘yun] kasama ko po sa pangarap [‘yung] magpursige [sa] buhay,” bahagi ni Marlon.
Mukhang humanga naman ang ina ni Jhasin May kay Marlon dahil sa kasipagan nito sa pagtatrabaho kaya ipinakilala niya rito ang kanyang napakagandang anak.
Mula nga noong nakilala nila ang isa’t isa ay lumalim ang pagtitinginan nina Jhasin May at Marlon.
Hanggang November 2020, napa-oo na nga ni Marlon si Jhasin May.
Credit: Marlon Cajucom Facebook
At nito lamang January 26, hindi na lamang isang delivery rider si Marlon sa buhay ni Jhasin May kundi kanya nang mister.
Samantala, sinabi ni Jhasin May na kaya niya sinagot si Marlon ay dahil nakita niya kung gaano ito kapursigido at naramdaman niya ang pagmamalasakit nito sa kanya. Bukod dito, sobrang ma-effort din umano si Marlon, isang bagay na hindi niya nakita sa kanyang mga dating nakarelasyon.