Efren “Bata” Reyes natalo sa billiard ng 15-year-old na binatang sumali sa isang kompetisyon sa Bacolod

Kung noon ay tanging pangarap lamang para sa binatang si Albert James “AJ” Manas ang makaharap sa larong billiard ang kanyang idolo na si Efren “Bata” Reyes, sa wakas ay nabigyan siya ng opportunity na makalaban ito nang sumali siya sa isang competition sa Bacolod pero sa pag-aakala niyang simple lamang niyang makakaharap ang tinaguriang isa sa pinakamagaling na manlalaro ng billiard sa buong mundo, ginulat lang naman niya ang lahat nang nagwagi siya laban sa “pool prodigy!”

Credit: Bacolod PIO

Isa si Efren “Bata” Reyes sa mga pride ng Pinas pagdating sa sports dahil halos hindi na talaga mabilang ang mga medalyang nauwi niya sa tuwing may sinasalihang billiard competition. Sa katunayan, hindi lamang siya kilala sa Pinas dahil iniidolo rin siya ng mga manlalaro ng bilyar sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Dahil sa kanyang historic na reputation sa nasabing larangan, madalas talaga siyang hinahangad ng karamihan na makalaban at isa nga sa maswerteng player na nakaharap niya sa semi-finals ng sinalihang competition sa Bacolod ay si AJ Manas.

7 taong gulang pa lamang umano si AJ nang una siyang tinuruan ng kanyang Lolo kung paano maglaro ng bilyar at mula noon ay mas lumaki raw ang kanyang interes sa nasabing sport hanggang ipinagpatuloy nga niya ang kanyang passion.

Pagbabahagi pa ng 15 anyos na binata, pangarap lamang umano niya noon na makalaro ng bilyar si Efren “Bata” Reyes kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin talaga siya nakakamove-on sa katotohanang nakalaban at nagwagi siya laban nito.

Sa kabila ng kasiyahang natupad ang isa sa matagal na niyang pinapangarap, aminado naman si AJ na nakaramdam siya ng pressure pero sa huli, ginawa naman niya ang kanyang best.

Credit: Bacolod PIO

“Tuwang-tuwa po. Siyempre po ang daming nanonood. Sobra dami niya pong fans. Medyo pressure rin po siyang makalaban,” pahayag ni AJ.

Dagdag pa niya, “Nagpapasalamat dahil nakalaro ko po siya sa tournament na ‘to at sana po maturuan n’yo po ako ng mga tira.”

Dahil sa promising na talentong ipinamalas ng binata sa bilyar, sobrang bumilib talaga si Reyes at pinuri si AJ dahil sa kahanga-hangang abilidad nito.

“Ang tira ko naman ngayon, pawala na. Iyong mga tinitira niyang pahulog, ako hindi ko na kaya ‘yun. Magaling kahit malayo,” papuri ng billiard legend.

Credit: Bacolod PIO

Kung ipaghahambing, lamang na lamang talaga sa lahat ng aspeto si Efren “Bata” Reyes mula pa lamang sa edad at experience pero sa katotohanang nagwagi si AJ Manas laban sa idolo niyang tinaguriang isa sa “greatest pool player” sa buong mundo ay isang patunay na sobrang liwanag talaga ng future ng Pinas sa larangan ng billiards.