Estudyante mula sa Mindanao, pinabilib ang marami matapos matanggap at makakuha full-scholarship sa isang sikat na unibersidad sa Amerika

Isang estudyante mula Mindanao ang hinahangaan ngayon ng marami sa social media matapos siyang magkamit ng isang napakalaking achievement sa larangan ng akademiks.

Credit: Nathan Wayne Ariston Facebook

Pinatunayan ng 18-taong gulang na anak ng isang guro at magsasaka na si Nathan Wayne Ariston na sa anumang larangan, talagang may maipagmamalaki ang mga Pinoy sa buong mundo.

Maraming tao ang pinabilib ni Nathan matapos siyang matanggap sa isang kilalang unibersidad sa Amerika na Yale University.

Sa panayam sa kanya ng Unang Hirit, ibinahagi ni Nathan na hindi niya inaasahan na matatanggap siya sa Yale University.

Lingid sa kaalaman ng lahat, mababa lamang ang acceptance rate ng nasabing unibersidad. Bilang isa rin sa mga nangunguna at prestihiyosong unibersidad sa Amerika, maituturing na isang achievement para sa bawat estudyante na makatanggap ng isang alok mula sa Yale University.

Credit: Nathan Wayne Ariston Facebook

Samantala, labis naman ang tuwa ni Nathan dahil hindi na siya magiging pabigat sa kanyang magulang lalo na sa aspektong pinansyal. Hindi lamang kasi natanggap si Nathan sa naturang unibersidad ngunit nakakuha rin siya ng isang full-scholarship offer. Ibig sabihin lang nito, libre na ang kanyang pag-aaral sa Amerika.

Ani Nathan, “Hindi ko ini-expect na makukuha ako sa isang university like Yale. Tapos mas nakakatuwa po ‘yung financial aid na offer nila sa akin kasi full ride ‘yung pag-aaral ko. So talagang masaya ako kasi hindi na ako magiging burden siguro sa financial problem ng parents ko.”

Nagtapos sa Philippine Science High School-Central Mindanao Campus si Nathan. At si Nathan pa lamang din ang naitalang nagtapos sa nasabing eskwelahan na natanggap sa Yale University.

Kwento ng kanyang ina na si Aimee, bata pa lamang ay pinatunayan na ni Nathan ang kanyang talino at disiplina sa pag-aaral. Patunay nga rito ang pagiging consistent honor student niya.

Credit: Nathan Wayne Ariston Facebook

Gayunman, kagaya ng ibang estudyante, hindi naging madali para kay Nathan na mag-aral lalo na ngayong panahon ng p@ndemya. Kabilang si Nathan sa mga estudyante na naaapektuhan ang pag-aaral dahil sa mabagal na koneksyon ng internet. Malaking hamon din para kay Nathan na mag-aral tuwing nawawalan sila ng kuryente dahil sa brownout.

Sa kabila naman ng mga hamon na ito na pinagdaanan ni Nathan ay patuloy pa rin siyang nagpursige para matapos ang kanyang pag-aaral.

Ayon kay Nathan, nagsilbing inspirasyon niya para mag-apply ang mga estudyanteng Pinoy na nag-apply noon sa parehong unibersidad.

“Na-inspire ako sa mga ate and kuya na nag-apply rin dati kasi pinakita nila sa akin na,’Whoa! Kaya pala, kayang-kaya pala nating mga Pilipino ito,” bahagi ni Nathan.

At handa na nga si Nathan na patunayan ang talento at talino ng mga Pinoy sa pagpasok niya sa Yale University.

Base sa nasabing panayam, balak ni Nathan na kumuha ng kursong Physics sa nasabing prestihiyosong unibersidad sa Amerika.