Ginamit na instrumento ng isang customer ang isang food delivery rider para makagawa ng kabutihan sa kanyang kapwa.

Umantig sa puso ng maraming netizens ang viral Facebook post ng nasabing food delivery rider na kinilala bilang si Mark Berdan.

Ibinahagi ni Mark ang kabutihan ng kanyang customer na bumili ng 35 pirasong burger sa isang fast food chain sa Montillano street, Alabang para ipamigay sa mga taong nagugutom sa kalsada.

Hindi makapaniwala si Mark matapos sabihin ng hindi pinangalanang customer na hindi na niya kailangan na i-deliver pa ang order nito sa kanyang bahay at sa halip ay ipamigay na lamang ang mga ito sa mga nagugutom na tao na madadaanan niya sa kalsada.

Inutusan din ng nasabing customer si Mark na mag-uwi ng 5 pirasong burger para sa kanyang pamilya.

Mensahe ng nasabing customer kay Mark, “Kuya, hindi mo na kailangan pumunta dito ‘yung 30 pcs ng burger pamigay mo along the way diyan sa mga nasa kalsada na nagugutom tapos yung 5pcs pa na burger iuwi sa pamilya mo.”

Noong una ay hindi pa kumbinsido si Mark na ipamimigay nga ng nasabing costumer ang mga in-order nitong burger.

Tinanong ni Mark ang customer kung seryoso ba talaga ito na ipapamigay niya ang kanyang order. Nag-aalinlangan din si Mark na sundin ang sinabi ng customer dahil baka umano siya ay ma-report. Sinabi naman ng customer na hindi siya nagbibiro at palagi na umano niyang ginagawa ang um-order ng mga pagkain para ipamigay sa mga taong nagugutom sa kalsada.

Kaya naman bilang pagsunod sa kahilingan ng nasabing customer, ipinamahagi ni Mark ang burger sa mga tao na nadaanan niya sa kalsada.

Nag-send din si Mark ng mga letrato sa customer bilang patunay na ipinamahagi niya ang mga burger sa mga tao sa kalsada.

May tiwala naman ang nasabing customer kay Mark kaya sinabihan niya ito na hindi na nito kailangan pang kumuha ng letrato.

Ani ng nasabing customer kay Mark, “Kuya mark ok na po hindi ko kailangan ng pictures I trust you naman po. Salamat.”

Sa huli ay pinasalamatan ni Mark ang nasabing customer dahil sa ipinakitang kabutihan nito sa mga taong nangangailangan.