Husay sa computer programming ng isang 17-anyos na Pinay, kinilala sa buong mundo!

Kinabibiliban ngayon ang 17 anyos na si Isabel Sieh mula sa Antipolo City dahil sa kanyang kahanga-hangang husay sa computer programming o coding.

Credit: Isabel Sieh Facebook

Para sa mga hindi nakakaalam, dahil sa coding kaya mayroon tayong nagagamit ngayon na softwares, applications, websites, at maging iba’t ibang games sa ating computers at cellphones. Isa nga sa mga nagde-develop ng mga ito ang mga tulad ni Isabel na mahusay sa coding.

Kinilala sa buong mundo ang talento ni Isabel sa coding ng website na Interesting Engineering kung saan isa siya sa mga “7 Famous Computer Programmers Who Started Programming at an Early Age.”

Hindi naman basta-bastang pangalan ang kahanay ni Isabel sa nasabing listahan dahil kabilang sa mga ito ang mga gumawa ng tech-giant companies tulad ni Bill Gates ng Microsoft at Mark Zuckerberg ng Facebook.

Ngunit paano nga ba nagsimula si Isabel na matuto ng coding?

Credit: Isabel Sieh Facebook

Batay sa kwento ni Isabel sa isang artikulo ng website na Grid taong 2021, 10-anyos siya nang makitaan siya ng interes sa Math ng kanyang teacher at hinikayat umano siya nito na subukan ang coding. Kaagad ngang naghanap ng online sources si Isabel na magtuturo sa kanya ng coding.

Nahanap naman ni Isabel ang website na Code Academy na nagbigay sa kanya ng resources para matutunan ang coding. Ilan lamang sa mga natutunan ni Isabel mula sa nasabing website ay HTML (HyperText Markup Language), CCC (Common Command Set), at JavaScript. Ayon naman sa website na freeCodeCamp.org, ang mga ‘languages’ na ito ay itinuturing na “building blocks of the Web.” Sa madaling salita, dito nagsisimula ang lahat ng mga nagagamit natin sa mga computer, cellphone, at internet.

Namangha naman si Isabel sa maaari niyang malikha dahil lamang sa coding. Saad niya, “It was really interesting to me because I saw how I could create whatever I wanted. At the time, I loved playing games on my phone, and I suddenly realized that I had the power to create those games that I loved.”

Samantala, umani ng paghanga mula sa marami ang initiatibo ni Isabel na buuin ang kilalang “Girls Will Code”. Isang community kung saan layunin nitong turuuan ang Pinay teenagers ng coding upang mapaliit ang information technology (IT) gender gap, na kasalukuyang dinodomina ng mga kalalakihan. Kabilang ang mga giant IT companies na Google at Accenture sa mga kumilala at nakipagtulungan kay Isabel para matupad ang kanyang adhikain.

Credit: Isabel Sieh Facebook

Bukod dito, nakapagpatayo na rin si Isabel ng kanyang sariling coding school sa edad na 14. Tinawag nila itong “The Coding School” na hanggang ngayon ay bukas pa rin.

Para naman mas mapalalim pa ang kanyang kaalaman sa computer programming kumukuha ngayon si Isabel ng kursong Computer Science sa Stanford University sa Amerika.