Nag-ala ‘good samaritan’ ang isang aso matapos niyang mapulot ang isang nawawalang wallet dahilan kung bakit ito naisauli sa may-ari.
Credit: GMA News YouTube
Umani ng papuri ang nasabing aso na pagmamay-ari ng isang Ginalyn Malate-Calacala mula sa Goa, Camarines Sur. Ayon sa panayam ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia sa may-ari ng aso, nagulat siya dahil isang araw ay may nakita siyang isang hindi pamilyar na wallet sa kanilang garahe.
Kwento niya, nakasanayan na niyang makakita ng mga nagkalat na basura sa kanilang garahe, lalo pa’t mahilig umanong mangalkal ang kanilang aso.
Ngunit nang makita niya ang wallet ay nagtaka umano siya kung paano ito napunta sa kanila. Bukod dito, napansin din umano niyang may marka ng kagat ng aso ang nasabing wallet.
Credit: GMA News YouTube
“Iniisip nga namin, sabi ko ‘Bakit mayroon doong wallet?’ Eh kako wala namang pumapasok ditong ibang tao. Nakita namin medyo may kagat ‘yung wallet,” pahayag ni Ginalyn.
Credit: GMA News YouTube
Laking gulat din umano nila dahil nang buksan nila ang wallet, may laman umano itong ATM card, ID at pera na nagkakahalaga ng P1, 700.
Credit: GMA News YouTube
Agad namang hinanap ni Ginalyn ang may-ari ng wallet sa pamamagitan ng social media. Ngunit sa kasamaang palad ay deactivated na umano ang account ng may-ari kaya naman nagtungo sila sa isang radio station para mahanap ito at maibalik na nila ang wallet nito.
“Kasi kawawa naman, may ID doon at saka may pera. Baka kako kailangang mamalengke nu’ng [may-ari] tapos nahulog ‘yung wallet. Kawawa naman ‘yung may-ari,” saad pa niya.
Credit: GMA News YouTube
Mabilis din namang nakaabot sa may-ari ang kanilang panawagan at sa araw din umanong iyon ay tuluyan na nilang naisauli rito ang napulot na wallet ng kanilang aso.
Credit: GMA News YouTube
Samantala, ibinahagi ni Ginalyn sa social media ang tungkol sa pagkakapulot ng kanilang aso sa wallet dahilan kaya naibalik nila ito sa may-ari. Umani nga ng maraming papuri at positibong komento mula sa netizens ang pagiging good samaritan ng aso nina Ginalyn.
Sa huli, nagpasalamat si Ginalyn sa mga taong nagpahayag ng kanilang paghanga para sa kanilang aso kahit umano wala itong lahi. Umaasa rin si Ginalyn na makapagbigay ng inspirasyon ang kwento ng kabutihan ng kanilang aso.
Mensahe niya, “Salamat po sa positive comments niyo, feedback sa aso namin kahit wala siyang breed ‘di ba. Sana po maging inspirasyon siya hindi lang sa mga kapwa natin tao na kapag may napulot tayo, isauli natin.”