Isang dating guro at single mom, kumita ng tumatagingting na P3.4 milyon mula sa pagtitinda ng beauty products online!

Naging daan ang pag-oonline selling para maigapang ng single mom na si Vannerie Picar ang isa niyang anak na lalaki. Hindi naman halos makapaniwala si Vannerie na higit pa sa pangangailangan nilang mag-ina ang kikitain niya mula sa pag-oonline selling. Sa pamamagitan kasi ng pagtitinda niya ng beauty products ay kumita ng tumatagingting na P3.4 milyon si Vannerie.

Credit: Kapuso Mo Jessica Soho on GMA Public Affairs YouTube

Viral kamakailan ang kwento ng tagumpay ni Vannerie matapos itong maitampok sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho.

Isa palang dating teacher si Vannerie ngunit dahil naging maselan ang kanyang pagbubuntis noong 2018 kaya nagpasya siyang huminto sa pagtatrabaho. Dagdag dagok pa para kay Vannerie nang magloko ang lalaking nakabuntis sa kanya.

Dahil sa kanyang naranasan, nagdesisyon si Vannerie na hindi na umasa sa tatay ng kanyang anak at tumayo sa kanyang mga sariling paa para sa kanilang mag-ina. Ngunit hindi kaagad pumasok sa pag-oonline selling si Vannerie matapos ito dahil nagtrabaho muna siya bilang isang call center agent. Kaya lang ay hindi umano sapat ang kanyang kinikita bilang isang call center agent kaya nagdesiyon siyang pasukin ang mundo ng pag-oonline selling.

Credit: Kapuso Mo Jessica Soho on GMA Public Affairs YouTube

Gamit ang puhunang P3,500, inumpisahan ni Vannerie ang kanyang online skin care business sa tulong nang nahanap niyang supplier.

Aminado naman si Vannerie na hindi madali sa umpisa dahil gaya ng ibang online sellers, naranasan din niyang maloko ng mga bogus buyer o ‘yung mga umo-order pero wala naman palang perang pambayad. Sa katunayan, naging mitsa umano ito para maisip noon ni Vannerie na tumigil na sa pagtitinda.

“Minsan kasi may mga customers na wala palang ready na pambayad. Minsan nagti-trip lang silang umorder. Noong una, medyo masakit sa akin kasi pagbalik sa iyo, sira na. ‘Tapos di mo na magagamit, di mo na maititinda. Sabi ko noon, tumigil na kaya ako?” pagbabahagi ni Vannerie.

Credit: Kapuso Mo Jessica Soho on GMA Public Affairs YouTube

Bagaman, hindi maiiwasan ang ganitong problema ay nalampasan naman ito ni Vannerie. Bukod dito, nakahanap pa siya ng isang epektibong marketing strategy upang lumago ang negosyong kanyang sinimulan. At ito ay walang iba kundi siya mismo ang gagamit sa beauty products na kanyang ibenebenta at ipakita ang resulta ng kanyang paggamit sa kanyang customers sa pamamagitan ng paggawa ng before-and-after videos sa TikTok.

Samantala, may paglilinaw naman si Vannerie tungkol sa P3.4 milyon. Sa isang post, sinabi niyang ang nasabing halaga ay hindi umano ang “tinubo” kundi ang kabuuang naibenta niya sa buong taon.

Kaya sa madaling salita, hindi pa raw siya milyonaryo. Gayunpaman, hangad ni Vannerie na makapagbigay ng inspirasyon ang kanyang “struggles” at “wins” lalo na para sa mga katulad niyang single parent.

Credit: Kapuso Mo Jessica Soho on GMA Public Affairs YouTube

Nais ding iparating ni Vannerie na kahit anong pagsubok ay huwag tayong susuko dahil darating din ang panahon na ang ating mga sakripisyo at pagsisikap ay masusuklian ng tagumpay.