Isang food delivery rider, malaki ang pasasalamat sa fans ng K-Pop group na BTS na lumikom ng pondo para tulungan siya!

Labis ang pasasalamat ng food delivery rider na si Benjamin Baetiong sa mga tagahanga ng South Korean boyband group na BTS dahil sa tulong na ibinigay ng mga ito sa kanya.

Credit: Benjamin Baetiong Facebook

Hindi inakala ni Benjamin na ang kanyang simpleng post ng pasasalamat para sa mga umorder ng BTS Meal ay siyang magiging daan para bumuhos ang napakaraming biyaya para sa kanya.

Noong June 18 ay inilunsad ng fast food company na McDonald’s ang kanilang BTS-inspired meal set na kaagad namang dinumog ng mga tagahanga ng BTS.

Maituturing namang biyaya para sa napakaraming food delivery rider na tulad ni Benjamin ang pagtangkilik ng mga customer sa BTS meal dahil dagdag kita ito para sa kanila.

Credit: Benjamin Baetiong Facebook

Sa pagdagsa ng napakaraming order kaya naman nag-post si Benjamin sa Facebook para ipaalam sa marami ang tulong na hatid ng pagbili nila ng BTS meal para sa kanilang mga delivery rider.

Credit: Gia Allana Facebook

“Lakas ng BTS meal ngayon. Umaarangkada na kaming mga foodpanda riders, masayang i-de-deliver sa inyo ang BTS Meal. Kaya mga BTS fans diyan, gogogogo na order na kayo,” pahayag ni Benjamin.

Naantig naman ang maraming tagahanga ng BTS sa post ni Benjamin. Ngunit bukod pa sa pasasalamat ang ibinalik ng mga @RMY, ang tawag sa mga tagahanga ng BTS kay Benjamin sa pagdedeliver nito ng BTS meal sa kanila.

Viral ngayon sa social media ang “#ARMYMealProject” na sinimulan ng Twitter user at isang @RMY na si @therealkittenwp para makalikom ng pondo para kay Benjamin.

Credit: Benjamin Baetiong Facebook

“#ARMYMealProject In light of the tox!city we face as a fandom towards some food delivery riders, this manong @foodpandaPH rider stood out the most,” pahayag ng nasabing Twitter user sa kanyang post.

Dagdag niya, “At dahil sa sipag at tiyaga niya sa pagdedeliver ng #BTSMeal para sa ating lahat, ang proyektong ito ay para sa kanya.”

Ayon sa naunang post ng nasabing Twitter user, layunin ng proyekto na makalikom ng P7,000. Ngunit dahil sa pagkakaisa ng mga @RMY ay nakalikom ng humigit-kumulang P45,230 ang nasabing proyekto.

Credit: Benjamin Baetiong Facebook

Sa pinakabagong update ng nasabing Twitter user ay ibinahagi niyang natanggap na ni Benjamin ang perang kanilang nalikom.

Samantala, isang mensahe ng pasasalamat naman ang sinulat ni Benjamin para sa mga BTS @rmy.

Ani Benjamin, “Sa mga BTS @RMY maraming salamat po sa pag appreciate nio po sa akin at sa tulong na nalikom nyo, malaking tulong po ito para sa aking pamilya lalo na sa aking tatay na may sakit…salamat po sa lahat lahat…mabuhay po kayo… BTS @RMY, MCDONALDS AND sa FOOD PANDA …GOD BLESS YOU ALL…”

Credit: Benjamin Baetiong Facebook

Isa sa mga pinakasikat ngayong South Korean boyband group ang BTS na binubuo ng pitong talentado at naggwagwapuhang miyembro na sina Jin, Suga, J-Hope, RM, Jimin, V, at Jungkook.