Isang Pinoy vlogger ang nagbigay saya hindi lang sa mga Pinoy kundi sa ibang lahi matapos siyang bumiyahe mula Pasig City hanggang Cavite sakay lamang ng kanyang laruang sasakyan!
Credit: Supercar Blondie Facebook
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na kilala ang mga Pinoy na malikhain at mahilig sa adventure, pinatunayan nga ito ng nasabing Pinoy vlogger na si Josef Farnacio o mas kilala ng netizens bilang Spart.
Sa katunayan, dahil sa kakaibang naisip ni Spart na gumamit ng isang electric toy car upang puntahan ang kanyang kaibigan sa Cavite kaya napansin siya ng sikat na Australian car enthusiast na si Alex Hirschi a.k.a. Supercar Blondie.
Naitampok sa Facebook page ni Alex ang kwento ng paglalakbay ni Spart gamit lamang ang kanyang laruang sasakyan sa loob ng dalawang araw na umani kaagad ng milyun-milyong views.
Credit: Supercar Blondie Facebook
Ngunit hindi dapat ismolin ang laruang sasakyan ni Spart dahil sa liit nito ay papasa naman itong maging isang tunay na sasakyan kaso nga lang talagang mabagal at aabutin ka ng ilang oras o araw bago makarating sa iyong destinasyon.
Kwento ni Spart, umaabot ng 3 hanggang 5 oras ang charging time ng kanyang laruang sasakyan na tumatagal naman ng 30 hanggang 45 minuto sa daan. Dahil sa liit naman ng kanyang laruang sasakyan, kaya lamang umano nitong tumakbo ng 5 kilometro kada oras.
At bagama’t isa lamang itong laruang sasakyan, napatunayan ni Spart na kaya nitong gawin ang ilang ginagawa ng isang normal at tunay na sasakyan tulad ng pumunta sa isang drive through, gamitin sa pagde-deliver ng pagkain, dalhin sa car wash, at iparada sa loob ng parking area ng isang mall.
Credit: Supercar Blondie Facebook
Samantala, magkahalong aliw at pagkamangha naman ang naramdaman ng mga netizen matapos mapanood ang video ni Spart na nakikipagsabayan sa mga tunay at di hamak na malalaking sasakyan sa kalsada para lamang puntahan at bigyan ng isang candy ang kanyang kaibigan na nasa Cavite.
Gayunpaman, kahit tila nakakatawa ang dahilan ni Spart sa pagbiyahe niya patungong Cavite gamit ang kanyang laruang sasakyan, ibinahagi niyang marami siyang natutunan mula sa kanyang paglalakbay.
Saad niya, “I really wanna push the boundaries of a toy car, which is not really a logical thing to do because you need to charge, find places or find kind hearted people who are willing to lend me their electricity…I think I really made something out of that toy car. You know, I just wanna live my life to the fullest. Yeah, it takes guts. It’s really important to focus on what you do and really respect the process.”