Karangalan ang hatid ng Pinay student na ito na magtatapos ng may ‘highest honor distinction’ sa University of Oxford

Mula sa probinsya ng Ilocos Norte, ang estudyanteng si Ellaine Joy Calapao Sanidad ay isang inspirasyon ngayon para sa maraming Pilipino na naghahangad na makapag-aral at makapagtapos sa isang kilala at prestihiyosong unibersidad sa United Kingdom na University of Oxford.

Pinahanga ni Ellaine ang marami matapos siyang magkamit ng pinakamataas na parangal o katumbas ng Summa Cum Laude rito sa Pilipinas noong December 2, sa ilalim ng kinuha niyang master’s degree program sa nasabing unibersidad.

Credit: abrenian.com Facebook

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na hindi basta-bastang makapasok sa Oxford, ngunit dahil sa kanyang pagsisikap nabigyan si Ellaine ng spot sa unibersidad sa pamamagitan ng ina-applyan niyang Chevening Scholarship.

Pangalawang master’s degree na ito ni Ellaine dahil nagtapos din siya ng MA in Speech Communication sa University of the Philippines-Diliman.

Taong 2010 noong magtapos naman si Ellaine sa kolehiyo bilang Magna Cum Laude sa University of the Philippines-Los Baños.

Sa panayam sa kanya ng Interaksyon, inamin ni Ellaine na hindi naging madali ang kanyang pag-aaral sa ibang bansa. Homesickness daw ang naging kalaban niya. Bukod dito, ang kanyang pisikal na kalusugan ay naapektuhan din nang husto habang nag-aaral sa unibersidad.

Credit: abrenian.com Facebook

Pag-amin niya, “My physical health suffered a lot from the many restless days in the university, barely sleeping and eating anything at all due to dealing with all kinds of pressure studying in Oxford.”

Ang kanyang pagtatapos ay inialay naman ni Ellaine sa Maykapal at sa mga taong naniwala sa kanya.

“First of all, always the Almighty God. Next, my family, relatives, friends, teachers and mentors, former colleagues and bosses, people who always believed in me,” saad ni Ellaine.

Siyempre, hindi rin nakalimutan ni Ellaine na pasalamatan ang kanyang sarili na tiniis ang hirap ng pag-aaral sa abroad makamit lamang ang kanyang ambisyon sa buhay.

Credit: abrenian.com Facebook

Ani Ellaine, “I have always been too hard on myself, and it was only recently that I learned how important it is to give myself a tap once in a while for being able to put up with the ever ambitious, difficult me.”

Ngayong darating na Marso 2022 na nakatakdang magtatapos si Ellaine ng may pinakatamaas na honors distinction sa ilalim ng programang Master of Studies in Diplomatic Studies sa University of Oxford.

Nang tanungin naman siya kung ano ang kanyang susunod na hakbang pagkatapos ng kanyang master’s degree sa Oxford, sinabi ni Ellaine na uunahin muna niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpapahinga, paggugol ng oras kasama ang kanyang mga mahal sa buhay, at “physical recuperation”.

Sa huli, pinatunayan lamang ni Ellaine sa lahat na kahit ‘suntok sa buwan’ na makapag-aral sa Oxford, hindi pa rin ito imposible, lalo na para sa isang Pilipino na magkamit ng mataas na parangal sa isang prestihiyosong unibersidad sa ibang bansa.