Kasal ng isang magkasintahan, napuno ng tawanan matapos paulit-ulit na magkamali ang groom sa pagbigkas ng kanyang wedding vow

Isa ang kasal sa mga pinakaespesyal at di malilimutang kaganapan sa buhay ng maraming magkasintahan o mag-asawa.

Credit: RBN News Television Facebook

At maraming magaganda at tunay na hindi malilimutang sandali ang maaaring mangyari sa isang kasal at isa na rito ay kapag ang dalawang nagmamahalan ay nagpapalitan ng kanilang wedding vows.

Madalas ay hindi mapigilan ng mga bisita ang maluha habang pinapakinggan ang matatamis at makabuluhang wedding vows ng mag-asawa. Gayunpaman, hindi ganito ang nangyari sa kasal ng isang magkasintahan na nag-viral sa social media kamakailan.

Imbes kasi maluha ang mga bisita dahil sila ay naantig, hindi nila maiwasang tumawa nang husto nang magkamali ang groom sa pagbigkas ng kanyang wedding vows dahil sa sobrang kaba.

Viral ang video clip na kuha sa kasal ng magkasintahan matapos itong ibahagi ng RBN News Television sa kanilang Facebook page.

Mapapanood sa video kung paanong ang mga bisita, bride at maging ang pari ay hindi napigilang tumawa nang paulit-ulit na nagkamali ang groom sa pagsasabi ng kanyang vows.

Sa halip kasi na “tinitipan kita bilang aking may bahay” ang sabihin ng groom, nagkabuhol-buhol ang mga salitang kanyang sinasabi.

Makailang beses na inulit ng groom ang kanyang vows at ilang beses din niyang nasabi ang mga katagang “tinitipan kitang maging aking bahay”, “tinitipan kitang kanyang bahay, na aking bahay, na may bahay” at “tinitipan kitang aking maging bahay.”

Idinaan naman ng Pari sa biro ang kanyang reaksyon sa paulit-ulit na pagbanggit ng groom ng salitang ‘bahay’.

Credit: RBN News Television Facebook

Pahayag ng nagkasal sa magkasintahan, “House and lot ang gusto mo ha, hindi si Stephanie.”

Hanggang sa ibinigay na mismo ng pari ang kopya ng wedding vows ng magkasintahan upang di na magkamali ang groom.

“Ulit-ulit…Basahin mo na nga,” saad pa ng Pari.

Pero muling napuno ng tawa ang loob ng simbahan nang muli na namang nagkamali ang groom. Imbes kasi na sabihin niyang “sa hirap at ginhawa” ay “sa harap at ginhawa” ang kanyang nasabi.

Credit: RBN News Television Facebook

Sa huli ay naitama naman ng groom ang kanyang wedding vows at naikasal nga silang magkasintahan.

Talagang hindi maiiwasang magkamali ang groom o bride sa pagbigkas ng kanilang wedding vows dahil sa nararamdaman nilang magkahalong kaba at excitement sa kanilang pag-iisang dibdib.

Patunay nga rito ang nasabing magkasintahan. Ngunit hindi naman maikakailang isa ito sa mga hindi malilimutang kaganapan sa araw ng kanilang kasal na habambuhay ay kanilang babalik-balikan.