Kasambahay na nagtapos bilang Cum Laude, pinatunayan na hindi hadlang ang kahirapan sa pagkamit ng mga pangarap

Muli na namang pinatunayan ng isang Pilipinong mag-aaral na hindi hadlang ang kahirapan sa pagkamit ng ating mga pangarap.

Credit: Jarel Barcelona Tadio Facebook   

Kilalanin si Jarel Tadio, isang mag-aaral mula sa Tuguegarao, Cagayan na proud dahil naitaguyod niya ang kanyang pag-aaral sa pamamagitan ng pamamasukan bilang isang kasambahay.

Sa kanyang Facebook post, ibinahagi ni Jarel ang kanyang graduation photo kung saan ay makikita siyang hawak ang napakaraming medalya at isang karatula na mayroong nakalagay na mga katagang “Proud Kasambahay, Proud Magna Cum Laude”.

Sa caption, ikinuwento ni Jarel kung paano ang kanyang simpleng pangarap na maiahon ang pamilya sa kahirapan ay nagtulak sa kanya na magpursige sa kanyang pag-aaral.

Kwento ni Jarel, bata pa lang umano siya nang mamulat sa kahirapan at sa estado ng pamumuhay ng kanyang pamilya.

Credit: Jarel Barcelona Tadio Facebook

Nagsimula umano siyang mangarap nang mapagtanto niya na ang kanyang buhay ay naiiba sa ibang mga bata. Ngunit hindi para sa sarili ang pangarap ni Jarel kundi para sa kanyang pamilya.

Aniya, “Wala. Wala akong gustong maging in the future. Basta ma-ayos ko lang ang buhay nila mama, ok na ako.”

Nang makatapos sa high school ay napagdesisyunan ni Jarel na mamasukan bilang kasambahay. Proud si Jarel sa kanyang trabaho dahil para sa kanya isang napakamarangal na trabaho ang pagiging kasambahay.

Ani Jarel, “Namasukan ako bilang maid. Pero taas nuo ako sa naging trabaho ko. Marangal yun. At ang masaya dun, libre na ang tulugan, libre pa ang pagkain, libre meryenda, libre tv, libre cable at libre wifi. Saan ka pa!”

Credit: Jarel Barcelona Tadio Facebook

Ngunit kagaya ng ibang tao ay napaisip din umano si Jarel kung habambuhay nalang ba siyang magiging kasambahay.

Napagtanto ni Jarel ang kahalagahan ng edukasyon kaya’t napagpasyahan niyang maging isang working student na ayon sa kanya ay napakahirap.

Kwento ni Jarel, “Mahirap maging working student, aral sa umaga, trabaho sa hapon at gabi…Maliban pa dun, may mga taong hindi yata masaya na makita kang nagsisikap makamit ang pangarap mo.”

Credit: Jarel Barcelona Tadio Facebook

Gayunpaman, nalagpasan ni Jarel ang hirap ng pagiging working student. Noong June 2018 nga ay nakapagtapos siya sa kursong Hotel and Restaurant Management bilang Cum Laude sa Cagayan State University.

Sa kanyang pagtatapos, inialay ni Jarel ang kanyang tagumpay sa kanyang mga magulang na siyang numero uno niyang pinagkukunan ng inspirasyon at motibasyon.

Aniya, “Ma, Pa, ito na po ang bunga ng bawat pagod, bawat puyat, bawat sakripisyo, bawat hirap at bawat luha…Graduate na po ang anak nyo at ito ay dahil sa hindi nyo ako pinabayaan, dahil sa pagtitiwala sa aking kakayahang tapusin ng matapang at tahakin ng may takot sa Diyos ang aking nasimulan.”

Credit: Jarel Barcelona Tadio Facebook

Sa huli saad ni Jarel, “Huwag kayo mag alala mama papa, etong speech at yung diploma muna ang tanggapin nyo, pauna palang to, sa susunod may sobre na po.”