Kilalang gamer na si Choox Tv, naghanda ng nakakakabang proposal para sa kanyang long time partner!

Sa panahon ngayon, may kanya-kanyang gimik ang mga lalaki para maging kakaiba at espesyal ang kanilang wedding proposal sa kanilang mga girlfriend.

Credit: A Lasting Impression Facebook

Hindi na nga basta-bastang ginagawa ang mga wedding proposal ngayon dahil marami sa kanila ay ‘buwis-buhay’ pa, iyong tipong kakabahan muna ang kanilang mga girlfriend bago kiligin nang sobra-sobra sa kanilang pagpo-propose.

Gaya na lamang ng nag-viral na wedding proposal ng kilalang gaming video creator ngayon na si Edgar Dumali o mas kilala ng mga netizen bilang “Choox Tv”.

Bago kasi pakiligin ni Edgar ang kanyang soon-to-be-bride na si Angeline Pareño, pinakaba muna niya ito dahil sa naisip niyang gimik para hingin ang kamay nito.

Credit: A Lasting Impression Facebook

Mapapanood sa isang video na in-upload ng A Lasting Impression, ang videography-photography team na kinuha ni Edgar, ang kanyang nakakakaba ngunit nakakakilig na proposal kay Angeline.

Sa mismong kaarawan niya noong February 18 isinagawa ni Edgar ang kanyang planong wedding proposal.

Sa video, mapapanood na nataranta ang kanilang mga kasamahan matapos makitang nalulunod si Edgar. Mabilis na dinala ng mga kasabwat niyang lalaki si Edgar sa dalampasigan para kunwari ay i-revive ito.

Makikita naman na sobrang kabado si Angeline at tumulong din siya sa pagsi-CPR kay Edgar.
Hanggang sa pinatigil si Angeline ng mga tao sa kanyang paligid para ipabasa sa kanya ang isang karatula na may nakalagay na “Will You Marry Me?” habang inilabas naman ni Edgar ang inihanda niyang bouquet.

Credit: A Lasting Impression Facebook

Dito na napaluha si Angeline nang ma-realize niyang pina-prank lamang siya ni Edgar at ang pakay talaga nito ay mag-proposa sa kanya.

Pero sa kabila ng kaba na naramdaman niya dahil sa gimik ni Edgar, hindi naman tumanggi si Angeline at binigyan niya ng matamis na ‘oo’ ang boyfriend. At sa huli, nagpalakpan ang kanilang mga pamilya at kaibigan.

Sabi ni Edgar, oras na para pakasalan niya si Angeline dahil sa tagal na nilang magkasama, sa hirap at ginhawa, nakilatis na umano nila ang isa’t isa.

Credit: A Lasting Impression Facebook

9 years nang magkarelasyon sina Edgar at Angeline. Sa haba ng kanilang pagsasama, biniyayaan sila ng apat na anak.

Samantala, umani ng samu’t saring reaksyon mula sa netizens ang viral wedding proposal ni Edgar kay Angeline.

Sa panahong sinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 2 million ang nakapanood sa kakaibang wedding proposal video ng soon-to-be-married couple.