Kilalanin ang prinsesang ito na handang isuko ang kanyang korona para mapangasawa ang ordinaryong lalaking mahal niya

Ano ang kaya mong gawin para sa ngalan ng pag-ibig at hanggang saan ang kaya mong isakripisyo para sa iyong minamahal?

Para sa Prinsesa ng Japan na si Princess Mako ay kaya niyang bitiwan ang kanyang titulo bilang isang prinsesa at ang kanyang royal life mapakasalan lamang ang kanyang minamahal na si Kei Komuro na sa mata ng lahat ay isang hamak na karaniwang tao lamang.

*Image is for illustration purposes only.
Credit: Church of the King on Unsplash

Mas nangibabaw ang pagmamahal ni Princess Mako para kay Kei na kanyang nakilala taong 2012 noong siya ay nag-aaral pa lamang sa isang Christian university sa Japan. Umusbong at lalong lumalim ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa hanggang sa nauwi ito sa kanilang desisyon na magpakasal taong 2017.

At kung ordinaryong babae lamang si Princess Mako ay ikinasal na sana sila ni Kei noong 2018. Kaya lamang dahil sa isyung kinasangkutan ng ina ni Kei kaya naman nakatanggap sila ng maraming kritisismo at kalaunan nga ay kinailangan munang i-pagpaliban ang kanilang pag-iisang dibdib.

Ngayon, matapos ang maraming kontrobersya na ibinato sa kanila, sa wakas ay mangyayari na rin ang naudlot na pag-iisang dibdib nina Princess Mako at Kei.

Kamakailan ay inanunsyo ng Imperial Household ng Japan na gaganapin ang kasal ng royal couple ngayong Oktobre 26, dahilan kung bakit umuwi si Kei sa Japan kamakailan lamang galing sa Amerika.

Ngunit bago ang inaabangang kasal ng dalawa, ano nga ba ang mangyayari kay Princess Mako kapag isang karaniwang tao o ‘commoner’ lamang ang kanyang papakasalan?

*Image is for illustration purposes only.
Credit: Samantha Gades on Unsplash

Hindi lingid sa kaalaman ng marami, kailangang isuko ni Princess Mako ang kanyang royal title upang mapangasawa lamang si Kei. Sa ilalim kasi ng isang batas sa Japan, ang isang babaeng miyembro ng imperial family ay awtomatikong magiging karaniwang tao na lamang kapag siya ay nagpakasal sa isang commoner. Si Princess Mako ang pamangkin ng kasalukuyang emperor ng Japan na si Naruhito.

Samantala, sa kanyang pag-alis sa imperial family, makakatanggap ng pera na nagkakahalaga ng $1.3 milyon si Princess Mako alinsunod sa tradisyon kung saan bibigyan ng pera ang mga babaeng mag-aasawa ng ordinaryong tao. Kaya lamang ay sinorpresa niya ang marami nang tanggihan niya ito.

Pagkatapos naman ng kasal ng magkasintahan, nakatakda silang aalis sa Japan upang mamuhay ng simple sa New York City kung saan napabalitang magtatrabaho si Kei bilang isang abogado.

Tunay ngang hindi lamang sa mga libro o pelikula nangyayari ang fairy tale dahil sa mga istorya na katulad ng pagmamahalan nina Princess Mako at Kei na kahit tila imposible at marami ang tumututol ay ipinaglaban pa rin nila.