Kuwento ng babaeng nag-top 1 sa Nursing Board Exam ngayong taon, alamin!

Bagama’t may mga tao man na ipinanganak nang matalino talaga, tila’y wala namang makakatapat sa kasipagan lalong-lalo na kapag ipinagsama ang katalinuhan at katiyagaan katulad na lamang ng naging kuwento ng babaeng Top 1 sa Nursing Licensure Examination kumakailan lamang kung saan ay ibinahagi niyang hindi lamang purong katalinuhan ang naging instrumento niya para maging isang topnotcher dahil pinairal din niya ang kanyang determinasyon upang maisakatuparan ang kanyang pangarap na maging isang ganap na nurse.

Credit: GMA News YouTube

Marahil ay hindi na bago para sa karamihan sa atin na makarinig ng mga back story tungkol sa mga successful na mga tao ngayon sa iba’t-ibang larangan kung saan ay isa sa kanilang mga inspirasyon upang maabot ang kaginhawaan ay ang napagdaanan nilang labis na kahirapan sa buhay pero sa likod ng mga papuri at recognition na kanilang natatanggap ay ang daan-daang problema na minsan nang pinanghinaan nila ng loob pero sa bawat pagsubok na hinarap, mas pinili naman ni Keziah Kyleen Gonzales na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral kahit na’y kapalit man nito ay ang ilang taon niyang pagtatrabaho para sa nakuhang scholarship.

Sa ekslusibong interview ni Keziah Kyleen sa 24 Oras, nagbalik-tanaw siya sa mga panahong nag-aaral pa lamang siya kung saan ay ikinuwento niyang iginapang talaga ng kanyang pamilya ang kanyang pagkokolehiyo sa Emilio Aguinaldo College.

“Iginapang din po talaga namin ‘yung tuition fee,” ayon kay Gonzales. “Noong time na ‘yun na hindi na po talaga namin kaya, noon na po ako nag-approach kay President ng EAC po kung pupuwede akong magkaroon ng scholarship.”

Dagdag pa niya, “Bale magwo-work po ako sa kanila for three years kapalit po ‘nung scholarship.”

Kahit na’y mahirap man para sa kanya ang naisip na paraan dahil hindi naman kasi talaga biro na pagsabayin ang pagtatrabaho at ang pag-aaral, handa naman si Gonzales na panindigan ang kanyang naging desisyon para lamang makapagtapos sa kolehiyo at maabot ang kanyang pangarap na maging isang ganap na nurse.

Maliban sa angking katalinuhan ni Gonzales, pinaghuhugutan din niya ng lakas ng loob ang kanyang mga magulang at nakababatang mga kapatid. Matapos ang ilang taon niyang pagsusumikap na maisakatuparan ang kanyang pangarap, sa wakas ay na-achieve na rin niya ang salitang “RN” na nagpapatunay na isa na siyang licensed nurse. Sa katunayan, siya pa nga ang naka-top 1 sa board exam nito lamang Mayo!

Pasado na man sa board exam at isa ng ganap na nurse, nananatili namang “lowkey” at humble si Gonzales.

Credit: GMA News YouTube

“Hindi ko po masabi na special ako sa part na ‘yun dahil lang Top 1 ako. Isang exam lang po ‘yun over sa sobrang daming experiences na dapat ma-acquire ng mga nurses and students,” pahayag niya.

Kahit na’y naabot naman ang kanyang pangarap at matagumpay man na achieve ang pinakaunang puwesto sa topnotchers, nananatili namang mapagkumbaba si Gonzales na talaga namang kinabiliban ng karamihan sa netizens na sumubaybay talaga sa kanyang kuwento lalong-lalo na para sa mga estudyante ngayon na mga aspiring na nurses din.