Kwento ng pagkakaibigan ng isang babae at ng kanyang namayapang alagang manok, nagpaluha sa netizens!

Kumurot sa puso ng mga netizen ang kwento ng isang babaeng taga-Cavite at isang manok na hindi lamang nito itinuring na isang alagang hayop kundi isa ring matalik na kaibigan sa loob ng 10 taon.

Credit: Marielle Custodio Facebook

Marami sa mga pet owner ngayon ay mga aso o pusa ang inaalagaan, kaya naman maituturing na hindi pangkaraniwan ang pag-aalaga ni Marielle Custodio ng isang manok na pinangalanan niyang Chichi.

Sa isang Facebook post noong February 24, ikwinento ni Marielle ang ilan sa mga hindi niya malilimutang alaala kasama si Chichi.

Ayon kay Marielle, dumating sa kanyang buhay si Chichi noong 2011 kung saan nakuha niya ito sa isang fiesta. Mula noon ay naging kasama ni Marielle si Chichi sa halos mahahalagang pangyayari sa kanyang buhay, mula sa kanyang pagtatapos sa kolehiyo hanggang sa magkaroon siya ng trabaho.

Credit: Marielle Custodio Facebook

Masaya ring ibinahagi ni Marielle ang ilan sa mga nakakatuwang katangian ni Chichi na tiyak na mami-miss niya.

Kwento ni Marielle, matalinong manok ang kanyang alaga. Sa katunayan, tila nagiging aso raw ito dahil tuwing may pumapasok sa bahay nila na hindi nila kilala ay tatakutin o tutukain umano ni Chichi.

Masaya ring ibinahagi ni Marielle na hindi na nila kailangan pang tawagin si Chichi dahil kusa umano itong pumupunta sa kanilang kusina kapag alas-12 na para kumain.

Dagdag pa niya, “Pag may nag aaway sa bahay, sumisigaw yan parang gusto nyang pigilan yung nag aaway ba. Pag nakakarinig yan ng tunog ng plastic, humahaba yung leeg nya kasi alam nyang may [kumakain]. Gustong gustong awayin ni Chichi yung tsinelas, hindi ko alam kung baket hahahaha.”

Credit: Marielle Custodio Facebook

Noong November 2021 lang nang magsimula umanong magkasakit si Chichi. Lahad ni Marielle, sobrang inalagaan niya si Chichi at pumunta pa siya sa mga kakilala niyang nag-aalaga rin ng manok para malaman niya kung paano gamutin si Chichi dahil walang avian veterinarian sa kanila.

Hanggang nitong February 23 lang ay labis ngang nadurog ang puso ni Marielle dahil tuluyan nang namaalam sa kanila ang pinakamamahal niyang si Chichi.

Isang mensahe naman ang iniwan ni Marielle para sa kanyang namaalam na alagang manok at matalik na kaibigan.

Aniya, “Chichi.. mamimiss ko ang mga yakap mo, ang amoy mo, ang presensya mo, ang boses mo.. Miss na miss na kita ngayon palang. [Alam] ko na mas maalagaan ka ni Lord jan, mas sobra pa sa nagawa ko para sayo. Wait mo ko jan ha? I love you so so much, Chichi. “

Credit: Marielle Custodio Facebook

Samantala, umantig sa maraming netizens ang ibinahaging kwento ni Marielle tungkol sa isang dekadang pagsasama nila ni Chichi.

Sa ngayon, mayroon nang 175K reactions, 16K comments at 130K shares sa Facebook ang post ni Marielle.