Lolo vlogger, pumalo na ng 58K ang subscribers matapos mag-viral ang simple niyang celebration sa pagkakaroon ng 300 subscribers!

Malayo pa pero malayo na. Maliit o malaki man ang achievements ay nararapat lamang itong ipagdiwang kaya sa panahon ngayon kung saan ay nakakalimutan ng karamihan na bigyang appreciation ang kanilang “small wins” sa buhay, isa talagang preskong pananaw ang handog ng isang senior citizen sa lahat nang nagkaroon siya ng simpleng celebration sa milestone niya bilang isang vlogger.

Credit: Lolo Mandoy Fishing Vlog

Sa bawat pagsu-surf natin sa YouTube, napakaraming content talaga tayong pagpipilian dahil mula sa cosmetics, mga food trip, travels, nakakaaliw na pranks pati na rin educational na videos ay mahahanap natin. Kung hilig mo naman ay ang mag-explore sa dagat o ‘di kaya’y matuto kung paano mangisda ay paniguradong perfect sa’yo ang channel ni Lolo Mandoy na isang mangingisda-vlogger!

Simula nang binuo ni Lolo Mandoy ang kanyang Youtube channel kung saan ay dinadala niya sa pamamalaot ang kanyang viewers o tinuturuan ng iba’t ibang isda recipe, buo talaga ang ibinibigay niyang dedikasyon sa bawat video niya kaya hindi na talaga kataka-taka kung bakit naani niya ang kanyang 300 subscribers. Marahil ay maliit lamang ito kumpara sa bigatin at kilalang Pinoy vloggers pero para kay Lolo Mandoy, isa ng malaking karangalan ang pagkakaroon ng ganito karaming tao na nagpapakita ng interes at nagbibigay ng suporta sa ginagawa niyang content kaya ipinagdiwang talaga niya ito kung saan ay naghanda siya ng pansit na may kasama pang manila paper na may nakasulat na “Happy 300 subscribers!”

“Gusto ko lang magpasalamat sa lahat ng sumuporta sa channel ko at gusto ko rin magpasalamat sa Panginoon. God bless us all,” saad niya.

Sa pagce-celebrate niya sa kanyang achievement, marami talaga sa netizens ang na-touch sa wholesome na gesture ni Lolo Mandoy. Dahil nito, kaliwa’t kanan talaga ang pagbabahagi ng madlang people sa Youtube channel ni Lolo Mandoy sa Facebook kung saan ay nadiskubre at mas nakilala pa siya ng karamihan.

Para naman kay lolo vlogger, hindi niya kailanman inakalang ang simple niyang pagdiriwang sa pagkakaroon ng 300 subscribers ay magdudulot pala sa kanya ng kasikatan kaya ngayon, kasalukuyan ng may 58.3k subscribers si Lolo Mandoy ngayon!

Sa pagdami ng kanyang subscribers, marami sa netizens ang nagsabing deserve umano ni Lolo Mandoy ang recognition lalo na’t bibihira lamang para sa kapwa niya vloggers ang maka-appreciate sa dami ng kanilang subscribers.

“Nakakatuwa naman po kayo! Ipinapakita niyo po sa amin na walang timbang ang biyaya, bagkus lahat ito ay marapat na pasalamatan at ipagdiwang.”

“Ang cuteeee. Napaka grateful na tatay👏😍 Godbless you more and more tatay❤️”

Credit: Lolo Mandoy Fishing Vlog

“Congrats po tatay❤️ Bigla ko tuloy naalala ang aking tatay na nasa itaas na ngayon”

“Nakakatuwa po tatay. Isang milestone na po ang makakuha ng 300 subscribers for small vloggers, pero umasa kayong dadami pa yan ng dadami. Naka-support po kami sa inyo”

“Congrats po lolo, ipagpatuloy nyo lang po suporta po kami sa inyo, ang sarap talaga ng feeling na kahit sa tingin ng iba maliit lang ito na bagay peri sa mga taong grateful napakalaki na po nito.. God bless po always lolo.. Continue lang po”

Nagsimula sa pinakababa na may kakarampot na viewers, umani ng 300 subscribers hanggang nakasungkit ng libo-libong bagong subscribers. Kakaiba talaga ang powers ng isang taong walang sawang nagpapasalamat sa lahat ng blessings na dumadating sa kanilang buhay. Congratulations, Lolo Mandoy!