Nakaltasan ng higit sa 40,000 piso ang bank account ng isang mag-asawa mula sa Davao City matapos hindi sinasadyang bumili ang kanilang 8-taong gulang na anak ng maraming mobile games gamit ang kanilang debit card.
Labis na lamang ang pagkagulat ni Julmar Grace Locsin na CEO/Owner ng FVA Business Consultancy at Surge Digital Agency, nang makita niya sa kanilang bank statement na kinaltasan sila ng banko ng hindi bababa sa 40,000 piso dahil sa mga mobile game na binili ng kanilang anak na si Tice.
Sa isang Facebook post, ikwenento ni Julmar Grace kung paano nakaltasan ng napakalaking halaga ng pera ang kanilang bank account.

Ibinahagi ni Julmar Grace sa kanyang post na nito lamang nakaraang pasko ay ibinigay nila sa kanilang anak na si Tice ang lumang cellphone ng kanyang mister na si Jay Locsin.
Hanggang sa ibinigay nila ang cellphone sa kanilang anak, ang bank account ng kanyang mister ay konektado pa rin sa digital distribution service kung saan maaari kang bumili ng mga online products tulad ng mga mobile game.
“Hubby’s account is connected with Google Play because we sometimes rent good movies on YouTube. Hubby’s old phone with the Google Play app was handed to Tice last Christmas. We allow them Super Book times, Messenger Kids with cousins and friends and War Robots,” pahayag ni Julmar Grace sa kanyang Facebook post.
Nang tanungin kung bakit siya bumili ng maraming mobile game, ipinaliwanag ng 8 taong gulang na bata na ang mga lumang laro ng kanyang ama ay masyadong madali para sa kanya kaya naman bumili siya ng mas magandang bersyon. Akala rin nito na libre lamang ang kanyang mga idina-download.
Nakatanggap naman ng “sp@nking” mula sa kanyang mga magulang ang 8-taong gulang na bata dahil sa kanyang ginawa.

At bilang mga magulang, ipinaliwanag nina Julmar at Jay sa kanilang kambal na anak na sina Tice at Sovi ang kahalagahan ng pagsunod sa mga panuntunan.
“When asked after, he reasoned that the old games were too easy for him and he thought all the downloads were free. He cried a lot after we talked about it and forgave him. He was very sorry (and was too cute with those irresistible eyes). We explained that they are worth MORE THAN all the money in the world but following rules is also a good life skill to abide,” ani Julmar Grace.

At upang maiwasang mangyari ito muli, sinabi ni Julmar Grace na naglagay na sila ng mga Parental control at password “for purchase”. Bukod dito ay nagrequest na rin umano silang mag-asawa para ma-refund ang perang nakaltas mula sa kanilang bank account.