Walang pagdadalawang-isip na tinulungan ng isang security guard ang isang mag-aama na naligaw habang pauwi sila ng Lemery, Batangas.
Credit: Racel Diola Melargo Facebook
Kinilala ang good samaritan na security guard bilang si Racel Diola Melargo. Nag-viral sa social media ang post ni Racel kung saan ay ibinahagi niya ang nakakalungkot na sitwasyon ng mag-aama.
Ayon kay Racel, nakita niya ang mag-aama sa Tanauan, Batangas. Nilapitan umano siya ng isa sa mga anak ng ama at tinanong kung nasaan ang daan patungong Lipa, Batangas.
Ngunit dahil marami na ang tinatanong ng bata, kaya naman minabuti na umano ni Racel na kausapin ang ama nito.
Nakausap nga ni Racel ang ama ng mga bata at ibinahagi naman nito sa kanya kung paano sila nakarating na mag-aama sa Tanauan, Batangas.
Credit: Racel Diola Melargo Facebook
Sinabi ng ama kay Racel na naligaw sila habang patungo sa Lemery, Batangas dahil mali ang kanilang nasakyan. Sa halip kasi na sa Lemery sila dapat bababa mula sa Maynila, napadpad umano sila sa San Pablo, Laguna.
Ibinahagi naman ng ama kay Racel na tatlong araw na silang naglalakad hanggang sa makarating sila ng Tanauan. Ayon pa sa ama, kaya sila naglalakad ng kanyang mga anak ay dahil wala na siyang pera na pamasahe.
At dahil walang pera, kaya naman sa tuwing nagugutom silang mag-aama ay nanghihingi na lamang sila ng pagkain sa madadaanan nilang karinderya.
Lalo namang nadurog ang puso ni Racel nang sabihin ng ama ang dahilan ng pag-uwi nila sa probinsya.
Credit: Racel Diola Melargo Facebook
Batay sa kwento ng ama, pumanaw ang kanyang asawa kaya’t nagpasya siyang umuwi na lamang silang mag-aama sa Lemery.
Ayon naman kay Racel, pinipigilan na lamang niya ang kanyang sarili na hindi maiyak habang pinapakinggan ang malungkot na sinapit ng mag-aama. Pawang mga bata pa kasi ang mga anak ng lalaki at makikitang sobrang nakakaawa ang mga ito dahil nawalan sila ng ina at ilang araw na ring nasa daan.
Kaya naman hindi na nagdalawang-isip si Racel at tinulungan niya ang mga ito. Ayon kay Racel, binigyan niya ng pera ang ama para mayroon na silang pamasahe at hindi na maglakad papuntang Lemery.
Credit: Racel Diola Melargo Facebook
Hiling naman ni Racel na sa pamamagitan ng kanyang post ay marami pa ang tumulong sa mag-aama.
Samantala, ang kabutihan na ipinakita ni Racel sa mag-aama ay tunay namang kahanga-hanga. Kahit kasi kapos din si Racel sa buhay at kakaunti lang ang pera ay hindi pa rin siya nagdalawang-isip na tumulong sa kanyang kapwa.
Hangad naman ng marami na dumami pa ang mga katulad ni Racel na bukas-palad na tumulong sa mga nangangailangan.