Tunay na isang malaking karangalan ang makapag-aral sa isang respetadong unibersidad sa mundo gaya ng prestihiyosong unibersidad sa Amerika na Bentley University.
Credit: Marco Caniedo Sagun Facebook
Kaya naman umani ng paghanga mula sa maraming netizens ang isang estudyante mula sa Bolinao, Pangasinan matapos siyang matanggap sa nasabing unibersidad.
Siya si Marco Jones Caniedo Sagun, 18 taong gulang, isang estudyanteng may kahanga-hangang katalinuhan na nagtapos ng Senior High School sa Philippine Science High School o Pisay, Ilocos Region campus.
Credit: Marco Caniedo Sagun Facebook
Planong kumuha ng kursong actuarial science ni Marco sa unibersidad. Ngunit bago niya maabot ang kanyang pangarap na makapag-aral ng kolehiyo sa nasabing unibersidad, isang malaking hamon muna ang kanyang kinaharap at ito ay ang makalikom ng pondo para masigurado ang kanyang puwesto sa unibersidad.
Sa isang Facebook post noong December 26, kumatok si Marco sa puso ng maraming netizens para matulungan siyang makalikom ng $1000 o 50,000 pesos kapag na-convert sa Philippine money upang masigurado ang kanyang pwesto sa unibersidad para sa darating na Fall 2022.
Credit: Marco Caniedo Sagun Facebook
Kahit kasi may alok na “President’s Scholarship” ang unibersidad para kay Marco, kung saan makakatanggap siya ng kabuuang $120,000 halaga ng scholarship funds mula sa unibersidad sa kondisyon na mapanatili niya ang GPA na 3.25, kailangan pa rin niyang maibigay ang nasabing halaga para makumpirma niya ang kanyang admission na hindi lalagpas ngayong January 20. Ang nasabing pondo ay para sa enrollment at housing deposit ni Marco sa unibersidad.
Ayon kay Marco, naisip niyang humingi ng tulong sa ibang tao dahil hindi nila kakayanin ng kanyang pamilya na makalikom ng nasabing halaga dahil kapos din umano sila sa buhay kung saan ang kanyang ama ay isa lamang umanong mangingisda habang tindera naman ng isda sa palengke ang kanyang ina.
Hindi nga inaasahan ni Marco ang pagdagsa ng tulong mula sa netizens matapos niyang mag-post sa Facebook. At sa isang update noong December 28, inihayag niya ang kanyang taos-pusong pasasalamat dahil nagawa niyang makalikom ng pondo para masigurado ang kanyang puwesto sa unibersidad.
Samantala, sa kabila ng nalikom niyang pondo, aminado si Marco na marami pa siyang kailangan gastusan lalo na kapag siya ay nasa Amerika na at nag-aaral. Gayunpaman, nangako si Marco na patuloy siyang magsisikap para masuportahan ang kanyang mga pangangailangan habang inaabot niya ang kanyang pangarap.
Credit: Marco Caniedo Sagun Facebook
Balak ni Marco na kumita ng pera sa pamamagitan ng pagiging isang working student. At kahit mahirap, sinabi ni Marco na naniniwala siyang “walang mahirap, basta para sa pangarap.”
Hangad ngayon ni Marco na makalipad na papuntang Amerika para sa darating na Fall 2022 school year na magsisimula na ngayong June.